^

Pang Movies

Mayor Goma at Cong. Lucy, pino-promote ang local tourism

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa
Mayor Goma at Cong. Lucy, pino-promote ang local tourism
Lucy at Goma

Akala namin nakapuslit din para sa isang bakasyon sa abroad sina Mayor Richard Gomez at Congresswoman Lucy Torres Gomez, nang makita namin ang picture nila na nagsu-swimming sa dagat na napakaganda. Iisipin mo nga sa ganda ng dagat, baka nasa Bali sila, pero imposible dahil matindi ang kaso ng COVID sa Indonesia ngayon.

Iyon pala sila ay nasa Malapascua sa Cebu. Wala kaming naririnig na magandang ganyang pasyalan sa Pilipinas kundi Boracay, Amanpulo, at ilan pang pribadong island pero kung tutuusin maganda talaga ang Pilipinas, tayo lang mga Pilipino ang mabagal na tumuklas sa kagandahan ng sarili nating bayan.

Kung hindi pa namin nakita iyong picture nina Mayor Goma, hindi namin alam na may napakaganda palang lugar na tinatawag na Malapascua sa Cebu.

Huwag na ang government officials, dahil iyong iba riyan ayaw naman mag-promote ng hindi nila nasasakupang bayan, pero ang mga artista natin, sa halip na puro sila biyahe sa abroad, na wala naman silang sinasabi kundi kung gaano kaganda ang pamumuhay doon, eh dito na lang sila sa Pilipinas, nakatutulong pa sila sa turismo. Makakatulong pa sila sa negosyo at trabaho ng mga Pilipino.

Eh hindi. Ang ginagawa ng iba nag-a-abroad, nagyayabang pang doon mabilis at magandang magpabakuna, na doon ay mas maganda ang pamumuhay na para pang sinasabi na tayo sa Pilipinas ay masyadong miserable.

Maganda ang ginagawa nina Mayor Goma at Congresswoman Lucy. Nagpo-promote sila ng turismo sa Pilipinas kahit na hindi sakop ng bayan nilang Ormoc.

Pero hindi rin naman sila puro bakasyon. Matindi iyong sinabi ni Mayor Goma noong isang araw na pipilitin niya na ang Ormoc ang maging kauna-unahang lungsod sa Pilipinas na magkaroon ng “herd immunity.”

 Iyang mga artistang ganyan, mahalal man sa public office, maipagmamalaki namin dahil talagang nagtatrabaho. Hindi gaya ng ibang natutulog lamang kung may sesyon, tapos nasasangkot pa sa mga anomalya.

Ang punto namin, maraming mga artista na pumasok sa pulitika na naging tapat sa kanilang paglilingkod sa bayan. Una nga riyan ang matinee idol na unang naging senador, at ambassador pa, si Rogelio dela Rosa. Kung hindi umatras iyon baka siya pa ang naging presidente ng Pilipinas noong 1961. Mas matino siguro.

Mga Pinoy, sumuko na sa mga Koreano

Babu na ang serye ni Julie Ann San Jose, at walang ibang dahilan iyan kung bakit mabilis na nagbabu kung hindi mababa ang audience share kahit na walang kalabang ABS-CBN show.

Hindi pa siya puwedeng gawing bida. Damay din ang baguhang si David Licauco, hindi pa pala niya kayang magdala ng isang serye bilang leading man.

Malamang magkatulad sila ng kapalaran ng career ni Gil Cuerva. Pero napakalungkot, na nang itigil ang isang seryeng Pilipino, ang ipinalit nila ay isang Korean drama.

Talaga bang suko na tayo sa mga Koreano? Sa dami ng artista ng GMA na walang trabaho, at sa dami pa nang pumapasok sa kanila galing sa ABS-CBN, sa halip na gumawa ng serye eh magpapasok sila ng Korean drama?

Matagal na iyang problemang ganyan sa telebisyon. Nasimulan iyan dahil sa RPN 9 noong araw, nang bilhin ni Jose Mari Gonzales ang Mexican drama na Marimar. Naging malaking hit iyon dahil sa ganda ni Thalia. Hindi naman alam ng mga Pilipino na luma na iyon at matanda na si Thalia.

Iyon namang ABS-CBN, pinakyaw ang iba pang mga drama ni Thalia. Eh may recording din pala si Thalia, inilabas dito ng Octoarts. Dinala sa Pilipinas si Thalia, hindi na pala ganoon kaganda dahil matanda na, bagsak na ang serye niya.

Pero natuklasan ng mga network, mura lang ang bentahan ng serye. Tapusan na kaya wala na silang sakit ng ulo. Ang babayaran na lang nila ay dubber. Kaya mas malaki ang kinikita ng network.

Pero nawawalan ng trabaho ang mga artista, wri­ters, director at mga production people na Pinoy, iyon ang malungkot sa ginagawang pagtangkilik ng mga Pinoy sa mga seryeng Koreano.

Marami ang gandang-ganda sa mga seryeng Koreano. Marami ang nagpapayabangan pa kung ilang serye na ang napanood pa nila in advance. Guwapung-guwapo pa sila sa mga Koreano. Kaya pati pagmo-model ng brief, Koreano na ang kinukuha. Hindi nila naiisip na maraming Pilipino ang walang trabaho, sige pa rin sila ng suporta sa mga Koreano.

LUCY TORRES GOMEZ

RICHARD GOMEZ

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with