Robin Padilla, inaming nagluluto na rin si Mariel para kumita!
Ayon kay Robin Padilla, hindi lang ang mga ordinaryong tao ang nakakaranas ng paghihirap ngayon kundi sila mang mga artista. Sa kanyang Instagram post ay inamin niyang masikip na rin daw ang kanyang sinturon at naghihingalo na rin ang savings nila.
Pati nga raw ang edukasyon para sa mga bata ay nagalaw na nila pero patuloy pa rin daw ang pagkalinga nila sa kanilang mga tauhan at ang suweldo nila ay diretso rin sa suweldo ng mga ito.
“Para sa edukasyon ng mga bata ay nagalaw na pero patuloy pa rin naming itinatawid ang mga taong nasa pakpak namin, hanggat maari ayaw namin sila maghirap kaya’t ang aming mga sueldo ay diretso na sa kanila, ang mga pumapasok na trabaho at sueldo ay ibinibigay na rin sa mga mas nangangailangan sa malalayong lugar,” pagbabahagi ni Binoe.
Dagdag pa niya, pati ang misis niyang si Mariel Rodriguez ay nagnegosyo na rin para makatulong. “Ang asawa ko ay nag negosyo na rin para makatulong sa aming mga panggastos halos wala ng tulog sa kakaalaga sa pamilya niya at sa pag aayos ng karne niya pero kinakailangan niya kumilos.
“Walang May masarap na buhay ngayon kundi yun mga nalathala na mas yumaman nong nagkapandemya pero tayong mas nakakaraming mga pilipino ay tagilid na ang bangka at ang Iba ay taob na at naka salbabida na Lang Para hindi tuluyan lumubog,” pahayag ng aktor.
Kasunod nito ay in-encourage ni Robin ang mga kababayan na huwag sumuko at manatiling lumaban. Hinimok din niya ang mga mamamayan na magpabakuna na at magtulung-tulong para malampasan ang krisis na ito.
“Wag tayong susuko mga kababayan magtulungan tayo .... kakayanin natin ito In shaa Allah kapag nabakunahan na tayo lahat makakaangat na rin tayo in shaa Allah manalangin Lang tayo at manalig sa Panginoong Maylikha.
“Hindi tayo pababayaan ng ating mahal na Pangulo at ng gobyerno. Tulungan din natin sila, tulong tulong tayo. Ginagawa ng lahat ng ahensya ng gobyerno ang lahat lahat para sa atin.
“Hindi lang tayo ang naghihikahos pati ang mayayaman na bansa hirap na rin sila ang lamang lang nila ay may nabubunot sila kaagad tayo ay kailangan pang mangutang, ganon talaga at tanggapin natin yun dahil hindi tayo mayaman na bansa pero kakayanin natin ito basta sama sama,” saad ni Robin.
- Latest