Sonny Parsons inilibing agad!
Nagulat pa kami sa text mo, Ate Salve. Hindi na kasi kami masyadong tumitingin sa social media dahil lalo akong nababagot sa mga usapan tungkol sa pagsasara ng ABS-CBN. Iyon na lang araw-araw ang nakikita ko eh. Kaya wala akong alam na namatay pala si Sonny Parsons.
At saka lang kami nagkumahog maghanap ng detalye kung ano ang talagang nangyari. Inatake pala siya sa puso habang bumibiyahe sakay ng kanyang motorsiklo sa Lemery, Batangas, papuntang Quezon.
Big bike raw ang dala, kasi ang alam namin ang ginagamit niya ay BMW R1200GS, malaki talaga iyan at ginagamit sa mga long distance drive. Ang sabi pa, mga limang oras na raw sa biyahe si Sonny nang makaramdam na parang hirap huminga at kinakapos na sa hangin. Atake sa puso na pala iyon.
Hindi maliwanag sa amin kung nadala siya o nakapunta pa siya sa isang klinika, kung saan tinangka rin siyang tulungan at kabitan ng oxygen, pero hindi na rin niya nakayanan.
Malakas ang katawan ni Sonny, action star iyan eh, pero iyong bumiyahe ka ng limang oras sa matinding init ng araw, iyon ang nagpahamak sa kanya.
Iyong pamilya nina Sonny, healthy silang lahat. Iyong tatay niya, si Col. Charles Parsons Nabiula, champion swimmer iyon na nakasali pa sa 1956 Olympics. Naging presidente pa ito ng Philippine Amateur Swimming Association noon. Physical fitness buff din ang tatay niya gaya ni Sonny.
Pero ano mang lakas ng katawan mo, hindi mo naman dapat sagarin. Ang sinasabi, ang kanyang mga labi ay dadalhin sa Maharlika Village, kung saan inaasahan ang isang funeral rights, dahil Muslim sila. “Inna lillahi wa inna ilayhi raji’un.”
ABS-CBN franchise wala pa ring sked sa Congress
Wala talaga silang kasawa-sawa sa issue. Ngayon ang lumabas naman ay tungkol sa Big Dipper, isang IT company na subsidiary rin ng ABS-CBN, at nagsasalin ng kanilang mga analog programs para maging digital. Ang kumpanya ay nairehistro sa PEZA, at dahil sakop nga ng economic zone, mayroon silang malaking tax incentives, na nagiging paraan daw para mas maliit na taxes ang bayaran ng ABS-CBN kaysa sa dapat.
Pero ang tanong diyan, legal ba o hindi? Iyan muna ang pag-usapan, at kailangang iyan ay lumabas sa mga pagdinig ng Kongreso sa kanilang franchise. Pero kailan nga ba pag-uusapan iyan sa Kongreso? May schedule na ba?
- Latest