Throwback movie ni Bong hataw uli
Napanood ko na naman ang batang Sen. Bong Revilla sa throwback movies niya, ang pogi niya talaga doon sa Pepeng Agimat. Kasama niya rito sina Dennis Padilla, Princess Punzalan, Gladys Reyes at iba pang mga batikang aktor at aktres.
Naaalala ko pa noon, talagang pinipilahan ang mga pelikula ni Sen. Bong, at talaga namang tinitilian siya ng mga kababaihan.
Grabe! Feeling ko ang tanda ko na talaga.
Pero pabibilibin ka ni Sen. Bong, napanood kasi namin siya sa kanyang Facebook live kamakailan at nagbigay siya ng pahayag tungkol sa sinabi naman ni Mayor Isko Moreno na wala raw ginagawa ang mga senador. Ipinaliwanag niya na hindi raw trabaho ng mga senador ang magrepack ng bigas, de lata, at noodles dahil ang tungkulin daw nila ay magpasa ng batas upang may mailabas na pondo ang gobyerno para sa taumbayan.
Totoo! Nasa crisis po tayo ngayon, wala naman kasing may gusto sa mga nangyayari. Hindi ito panahon upang mamulitika! Ang dapat talaga nating gawin ay magtulong-tulong at higit sa lahat ay manalangin sa Panginoong Diyos na kaawaan tayo at matapos na ang lahat ng pagsubok na ito.
Kris hindi nakakalimot
Salamat po, Cong. Yul Servo through Noni Nicasio sa medical assistance na ipinaabot n’yo po sa’min. Pati kay Ms. Kris Aquino na hindi pa rin nakakalimot. At syempre, bagama’t maraming bumabatikos sa kanya at sa Pangulong Rodrigo Duterte, kay Sen. Bong Go na sinadya pa ako dito sa Santa Rosa, Laguna upang pamahagian ng tulong.
Maraming salamat po sa walang sawang pagtulong ninyo sa mga nangangailangan! Nakilala ko itong si Sen. Bong Go sa pamamagitan nina Robin Padilla at Bayani Agbayani.
Sana po marami pa kayong maabutan ng tulong. Mabuhay po kayo! Kahit ano pa man ang religion niyo, kasama po kayo sa prayers ko. Kapit lang tayo! Matatapos din ito. God bless us all!
Personal…
Laking pasasalamat ko rin nitong Holy Week, pinagpala tayo ng ating mahal na Panginoong Hesukristo na sa rami ng mga pagkukulang at pagkakasala natin sa kanya ay dama nating hindi niya tayo pinababayaan. Hindi na kasi ako nakakapagsimba dahil bukod sa may sakit ako, sumabay pa itong lockdown, pero isang malaking biyaya para sa akin nang matiempuhan ko sa TV ang Holy Mass by Cardinal Tagle na ginanap sa Vatican City, napakapalad ko na nasaksihan ko ito sa kabila nang mga nangyayaring pagsubok ngayon sa sanlibutan. Kabilang sa aking mga panalangin ang lahat ng mga frontliner na patuloy na itinataguyod ang kanilang mga sinumpaang tungkulin, lahat ng mga may karamdaman, mga taong nagugutom, mga taong walang matatag na hanap-buhay, mga out of school youth, mga kaibigan, kamag-anak, at maging ang mga mahal sa buhay na pumanaw na.
Itinataas na po namin sa inyo ang lahat, Panginoon. Alam naming dinidinig mo ang bawat naming panalangin. Amen! “The Lord is on my side, I will not fear.” – Psalms 118.6
- Latest