Kuya Germs naalala tuwing Lunes Santo
Lunes Santo, at tuwing dumarating ang araw na ito ay naaalala namin ang isang taong matagal naming nakasama at naging kaibigan, si Kuya Germs. May panata kasi si Kuya Germs, at iyon ay ang pagdalaw at pagsisimba sa simbahan ng Birhen ng Sto. Rosaryo sa Manaoag, Pangasinan. Mahigit na dalawampung taon iyon, na tuwing Lunes Santo ay niyayaya niya ang kanyang mga kaibigan na sumama sa kanya sa Manaoag.
Doon sa Manaoag, hindi lang dumadalo sa misa si Kuya Germs, nakikita din namin siyang pumapasok sa kumpisalan. Lagi niya iyong ginagawa. Kahit na noong nagkasakit na siya, naka-wheel chair siya, pero nagpilit pa ring makarating sa Manaoag at makadalo sa misa, umakyat pa sa itaas para manalangin at makahalik sa belo ng birhen, at nagpunta rin sa kumpisalan.
Hindi namin natanong si Kuya Germs minsan man kung bakit nga ba sa Birhen ng Manaoag.
Iyong debosyon niya sa Nazareno sa Quiapo, ikinukuwento niya. Sa Quiapo siya nagdasal para makahanap ng trabaho noong nagsisimula pa lamang siya. Sa Quiapo rin siya nagdasal noong nagsimula siyang maging isang artista. Marami siyang kahilingang ginawa sa Quiapo na natupad.
Pero iyong debosyon ng Lunes Santo sa Manaoag, hindi talaga namin naitanong kung bakit hanggang sa siya ay pumanaw. Ngayon tuwing Lunes Santo, naaalala namin si Kuya Germs.
Pamimigay ng pagkain ni KC mas kinabiliban kesa nag-piyansa sa mga nag-rally
Huwag namang ikasasama ng loob ng iba. Naniniwala kaming mas maganda ang ginawa ni KC Concepcion na nagbigay ng 500 kilo ng bigas para sa mga mahihirap na mamamayan sa panahong ito ng enhanced quarantine dahil sa COVID-19.
Bukod doon, nagpadala rin siya ng 400 na bote ng ready to eat na adobo para sa frontliners sa Veterans Memorial Hospital at sa Perpetual Help Hospital. Iyan kasing mga frontliner, hindi mo na maaasahang magluto pa iyan ng kakainin nila. Iyong pagkaing ganoon na nakabote, maaari pa nilang itago at kainin kung kailan kailangan talaga.
Palagay namin mas maganda ang ginawa ni KC, kaysa doon sa mga nagpiyansa ng mga nag-rally.
- Latest