Atake ng virus sa showbiz, ramdam na ramdam
Sinasabing maganda pa rin ang batting average ng showbiz dito sa nararanasan nating Covid19 pandemic.
Batay kasi sa record, may isa nang naka-recover, si Boyet de Leon na sa huling test na isinagawa ay negative na sa lahat ng traces ng Covid.
May isa tayong fatality, si Menggie Cobarrubias, na nag-positive sa Covid19, pero sinasabing namatay dahil sa atake sa puso nang hindi na niya makayanan ang stress na dala ng sakit.
Mayroon naman tayong isang PUI, si Iza Calzado na naka-confine na ngayon dahil sa pneumonia at naghihintay ng resulta ng kanyang Covid19 test para malaman kung virus din nga ang dahilan ng kanyang sakit.
Pero isang bagay ang tiyak, maraming PUM sa showbiz ngayon, dahil alam naman ninyo ang mga tao rito, nasanay sila na makisalamuha sa kapwa at marahil bago pa iyang quarantine, may mga tinamaan na sa kanila.
Patuloy na lang tayong manalangin na sana maka-recover ang mas marami pang tinamaan ng Covid 19.
Sunshine ingat na ingat para sa mga anak
Ang kuwento ni Sunshine Cruz, ingat na ingat raw sila ngayon. Halos hindi na siya lumalabas ng bahay, at ang inuutusan nilang lumabas ng bahay, katakut-takot na disinfection pagbabalik. Pero higit sa kanyang sarili, ang sinasabi ni Sunshine na pinag-iingatan niya ay ang kanyang tatlong anak.
“Sa sarili ko nag-iingat ako dahil papaano ang mga anak ko kung magkasakit ako? Pero mas magiging mahirap para sa akin kung isa sa mga anak ko ang magkakasakit. Aywan ko kung matitiis ko iyong may sakit ang anak ko tapos hindi ko maaaring makita. Sanay kasi ako na basta nagkakasakit ang sino man sa mga anak ko ako ang nag-aalaga. Gusto kong malaman oras-oras kung ano ang progress ng gamutan. Hindi ko kayang tiisin iyong nasa ospital tapos hindi ko madadalaw,” sabi ni Sunshine.
Sa totoo lang napakahirap talaga noon, at ganoon din ang ini-aangal noong mga may kaanak na namatay sa Covid19, nang hindi man lang nila nakita o nakausap ang mahal nila sa buhay. Basta binigyan na lang sila ng notice kung ano nga ang nangyari.
- Latest