Ilang direktor hindi alam ang pulso ng masa Moviegoers hindi mapipilit sa ayaw na pelikula
Tigilan na ninyo ang pag-insulto sa masang Pilipino sa pagsasabing hindi sila marunong pumili ng pelikulang panonoorin. Ang masa ang “boss”. Sila ang nagbabayad eh. Nagbabayad sila para sila masiyahan. Natural kung saan sila nasisiyahan, doon sila. Hindi ibig sabihin “bobo” sila.
Iyon namang may gusto ng mga pelikulang maihahanay mo sa mga “maliliit na pelikula” na isinasali sa festivals sa abroad, eh di panoorin niyo ang pelikula niyo pero huwag ninyong ipipilit sa iba na ayaw sa ganyan.
Isang magandang pag-aralan ang industriya ng pelikula sa Italya. Diyan nanggaling ang mga itinuturing na mga henyo ng pelikula na kagaya nina Visconti, Fellini at Pier Paolo Passolini. Pero tignan niyo, hindi ang mga pelikulang iyan ang bumuhay sa industriya nila kung hindi iyong mga tinatawag na “spaghetti westerns” istorya ng mga cowboy na hindi nananalo ng awards.
Iyong mga spaghetti westerns, nakarating sa Amerika, naidi-distribute sa mga sinehan sa buong mundo. Humahakot ng pera. Iyang mga spaghetti westerns ay nakapagpakilala pa ng mga artistang naging superstars kagaya nina Bud Spencer, Terrence Gil, Franco Nero at marami pang iba. Kayo sino ba ang natatandaan ninyong artista ni Pasolini, o ni Visconti, o ni Fellini?
Dito sa atin, saan ba nanggaling ang malalaking artista? Sumikat ang mga malalaking artista sa mga pelikulang kung sabihin ng mga kritiko ay basura. Saan ba sumikat nang husto si Nora Aunor? Hindi ba sa mga pelikulang gawa ni Temyong Marquez? Ano bang pelikula ang dahilan at sumikat nang husto si Vilma? Hindi ba dahil sa Darna at iyong mga romcom nila ni Edgar Mortiz na gawa ni Maning Borlaza. Hindi ba gumawa nga siya noon ng Vilma and the Beep Beep Minica?, na parang ayaw na niyang maalala pero kumita rin nang malaki sa takilya noong araw? At ang kalaban natin noon ay mga pelikulang Ingles na siya lamang ipinalalabas sa malalaking sinehan. Ano lang ang nagpapalabas ng pelikulang Tagalog? Hindi ba iyon lang Life, Globe, Dalisay, at Center? Pero naagaw ng pelikulang Pilipino ang mga malalaking sinehan sa mga dayuhan noong mas kumita ang pelikulang Pilipino. Dahil iyan sa mga director na kagaya nina Armando Garces, Armando de Guzman, Eddie Garcia, Luis Enriquez na Eddie Rodriguez ang screen name bilang actor, Ronwaldo Reyes na si Fernando Poe Jr. talaga, Celso Ad Castillo at iba pa.
Hindi ba noong araw ay kumita rin ang mga pelikula ni Redford White na ginawa ni direk Felix Dalay. Hit ang mga TVJ (Tito, Vic and Joey) movies ni Mike Relon Makiling. Lalong malalaking hits ang mga spoof nina Tony Reyes at Joey de Leon. Eh iyong mga massacre movies ni Carlo Caparas, magkano ang kinita noong mga iyon? Ang mga anting-anting movies ni Ramon Revilla? Iyong mga Facifica Falayfay ni Mang Dolphy na bumuhay rin diyan sa festival na iyan. Iyong mga pelikulang Mr.Wong at Mang Kepweng ni Chiquito?
At isa pa, may nagawa ba ang Hollywood na isa pang artistang kagaya ni Charlie Chaplin?
Ito ang masakit. Kailan ba nagsimulang bumagsak ang pelikulang Pilipino? Nagsimulang bumagsak ang industriya noong pumasok ang mga bagong “ideya” na makagagawa pala ng pelikula na walang masyadong puhunan, walang sikat na artista, pero ang masakit, hindi alam ng mga direktor ang pulso ng masa. Dumami ang pelikula, dumami ang awards, pero tinatiyane ang kita.
Walang krisis sa industriya. Bakit kumita nang halos mahigit pa sa MMFF ang isang pelikula lang ni Kathryn Bernardo, at naulit pa niya iyon. Bakit kung sabihin ngayon ang kita ng mga pelikula nina Vice Ganda, Vic Sotto, Coco Martin at Aga Muhlach ay “pala-pala, piko-piko”. Eh bakit iyong iba halos magmakaawa dahil inaalisan ng sinehan dahil hindi kumikita. Ibig sabihin lumuha man sila ng bato, ang pelikula nila ay hindi gusto ng masa na siyang nagbabayad para manood ng sine.
- Latest