Standby medics sa mga taping biglang nasilip
Bakit walang doctor? Bakit walang medic? Bakit walang ambulansiya?
Iyan ang mga sunud-sunod na katanungan ngayon matapos ang aksidente ni Eddie Garcia sa set ng bago niyang serye sa GMA 7. Naiba kasi ang issues dahil hindi pala inatake talaga sa puso ang actor kung di napatid sa cable. Masama ang bagsak, at nakadagdag nga siguro sa problema ang pagkakabuhat sa kanya matapos ang aksidente.
Hindi mo naman masisisi ang mga bumuhat. Hindi naman sila trained para sa ganoong sitwasyon. Basta ang nasa isip nila, bumagsak ang actor at kailangang madali nilang matulungan.
Kung mayroong mga trained medic, sa mga ganyang sitwasyon, bago galawin ang pasyente ay nilalagyan muna ng neck brace. Ikalawa, hindi papangkuin kung di ilalagay sa isang stretcher. May nagsasabi ngayon na dahil doon kaya lalong lumala ang cervical fracture na natamo niya nang bumagsak.
Isa pa, papaano nga ba siya isinugod sa ospital kung walang ambulansiya?
Natutuwa naman kami sa sinabi ng GMA na isang requirement daw nila ang pagkakaroon ng stand by na medic at ambulansiya sa set ng kanilang mga shows, nagtataka lang sila kung bakit wala noong araw na nagkaroon ng aksidente.
Pero sa totoo lang, bihira kaming makakita ng shooting o taping na may stand by na medic, lalo na ng isang ambulansiya. Mabuti naman kung ganoon na nga sila, at dapat imbestigahan talaga kung bakit noong araw na iyon ay nagkataon pang wala.
Maski na nga si Mayor Richard Gomez, matapos ang aksidente, noong panahong sinasabing inatake sa puso si Manoy, nagsabing dapat talaga sa shooting o taping ay mayroong stand by medic, o maski na mga trained personnel lamang na marunong ng CPR o cardio pulmonary resuscitation na magagamit kung may atakihin sa puso. Kaya nagsalita nang ganoon si Mayor Goma, siguro sa kanyang karanasan bilang isang actor nang mahabang panahon na rin naman, talagang nakikita niya ang kakulangang iyon.
At iyan ay itinatakda ng batas. Sa bawat 50 manggagawa, dapat may isang nurse o medic na nakatoka para nga sa mga emergencies.
Iyang mga shooting o taping, talagang high-risk iyan. Talagang nakakalat lamang ang mga cable riyan dahil pagkatapos ng eksena ay mabilisan din nilang inaalis iyon para mailipat sa kasunod na set. Hindi kagaya sa mga kumpanya o ibang lugar na ang mga cable ay talagang inaalis sa mga lugar na maaaring makapatid o makaaksidente. Hindi lang iyong makapatid, may kuryente iyan.
Natutuwa naman kami sa sinabi ng executive ng GMA na si Lilybeth Rasonable na iimbestigahan nilang mabuti kung ano ang nangyari. Tiyak ang mananagot diyan ay ang executive producer dahil bakit nga ba walang medic kung SOP iyon sa GMA?
Pero hindi ito ang panahon para magsisihan.
Tama si Mayor Goma sa pagsasabing kailangang may medic. Iyan sanang nangyaring iyan ang maging simula ng mga pagbabago.
Kailangan ngang magkaroon ng sapat na atensiyon sa problemang iyan.
May isang sitwasyon kaming natatandaan. Nasa shooting kami ng isang pelikula. Masama rin ang bagsak ng isang bit player, pumutok ang ulo. Nagdudugo. Ang sigaw ng line producer ng pelikula, “hoy tulungan ninyo iyan, dalhin sa center para matahi iyong pumutok na ulo niyan”.
Ang gusto naming ipunto, noong araw pa ganyan na ang problema, kasi ni hindi nila inaasahan na magkakaroon ng mga ganyang problema sa shooting o sa taping. Isipin ninyo, sa katipiran lalo na ng mga pelikulang indie, inspeksiyunin ninyo ang shooting kung may mga medic o kung may ambulansiya. Tiyak wala dahil sa kaliitan ng mga budget nila sa mga pelikula nila.
- Latest