Yves napatay ang sariling tiyuhin sa Ipaglaban Mo
MANILA, Philippines — Isang mapag-arugang anak at kapatid si Migs (Yves Flores) na aabutan ng kanyang hangganan dahil sa pagmamaltrato ng kamag-anak ngayong Sabado sa (Mayo 18) sa Ipaglaban Mo.
Nakalakihan na ni Migs na unahin ang kapakanan ng kanyang kapatid na si Kiko (Henz Villaraiz) at inang si Mariel (Isay Alvarez). Madalas siyang napagbubuntungan ni Dante (Dido dela Paz), ang nakakatandang kapatid ng ina, dahil sa kanyang pagmamalasakit sa pamilya.
Tumatayong puno ng angkan ng mga Dagarag sa Tugegarao City si Dante ngunit nangangamba ito sa nakababatang kapatid na si Mariel dahil sa magandang reputasyon nito sa pamilya. Retiradong military official si Dante at istriktong pinapalakad ang angkan na madalas humahantong sa pang-aapi ng sariling mga kadugo.
Lalaki ang inggit at suklam nito kay Mariel, na hindi papansinin ang pang-aalipusta ng sariling kapatid. Dahil sanay na laging sentro ng atensyon at kapangyarihan, sapilitang kukunin ni Dante ang tinitirhang bahay ng mag-iina sa compound ng pamilya Dagarag sa kabila ng pagkimkim ng sama ng loob at respetong binibigay sa Kuyang dapat nag-aalaga sa kanya.
Ito ang nagsilbing huling mitsa para kay Migs, kung kaya’t magdidilim ang paningin nito at susugod sa bahay ng tiyuhin.
Mapapatay nito ang tiyuhin sa ilang beses na pagsaksak nito kay Dante sa harap ng sariling tiyahin habang nagsilbing bantay ang kapatid na si Kiko sa labas. Tatakas ang magkapatid sa lugar ng krimen ngunit aaminin ang katotohanan sa inang hindi makapaniwala sa nagawa ng mga anak.
Makuha kaya ni Migs at Kiko ang awa ng ina sa kanilang pag-amin sa krimen?
Handog ng Ipaglaban Mo ang mga kwentong base sa totoong buhay na maaring kapulutan ng aral. Bukod sa pagpapalabas nito ng makatotohanang episodes, nagbibigay din ito ng libreng legal advice linggo-linggo sa ABS-CBN Tulong Center sa Quezon City.
- Latest