Fight director ni Marian iniwan na ang pamilya
Muling nagluluksa ang industriya ng pelikulang Pilipino sa maagang pagpanaw ng veteran character actor, stuntman and fighting director na si Rosauro Daniel Adams Roque na mas kilala sa showbiz as Boy Roque.
Si Boy ay sumakabilang-buhay nung nakaraang Miyerkules, April 10 ganap na ika-6:40 ng umaga dahil sa atake sa puso. He was 56. Siya’y ipinanganak nung September 18, 1962.
Nakausap namin ang pamangkin ni Boy na si Jace Roque na isa ring part time actor at ito ang nagkuwento sa amin na bigla umanong nanikip ang dibdib ng kanyang tiyuhin nung bandang alas-5 ng umaga ng Miyerkules kaya agad itong isinugod sa pagamutan. Pero on the way to the hospital ay nawalan na ito ng malay kaya pagdating sa emergency room ng Manila East Medical Center in Taytay, Rizal ay sinubukan siyang i-revive ng mga doctor pero hindi na ito naka-survive.
Iniwan ni Boy ang kanyang ama, mga kapatid, asawang si Lenny Roque at tatlo nilang anak.
Maraming mga kasamahan sa showbiz ang nalungkot sa maagang pagpanaw ni Boy at isa na rito si Robin Padilla na maraming beses niyang nakasama sa pelikula. Kilala kasi si Boy sa pagiging mabait na tao, magalang, marunong makisama sa kanyang kapwa at malakas ang pananampalataya sa Diyos na kabaliktaran sa kanyang mga ginagampanang papel sa pelikula at telebisyon na pawang ‘bad boy’ o kontrabida.
Si Boy ay nakagawa ng halos 100 pelikula (action, drama at comedy) at marami-rami na ring TV series. Ang last movie niya ay ang Ulan na tinampukan nina Nadine Lustre at Carlo Aquino at pinamahalaan ni Irene Villamor. Marami rin siyang nagawang serye mostly with GMA-7 na ang pikahuli ay ang Cain at Abel at Victor Magtanggol.
Nakagawa ng pelikula si Boy sa ilalim ng yumaong director na si Lino Brocka, ang Orapronobis in 1989.
Si Boy din ang tumayong fight director ni Marian Rivera nung ginagawa pa nito ang kanyang action-fantasy TV series na Super Ma’am.
Ang mga labi niya ay kasalukuyang nakaburol sa Haven of Angels Memorial Chapel sa Km. 26 Sumulong Highway, Brgy. Sta. Cruz, Antipolo at siya’y nakatakdang ihatid sa kanyang huling hantungan sa darating na Linggo, April 14.
TNT sasabak sa world tour
Mukhang hindi na talaga mapipigilan ang pamamayagpag hindi lamang sa local kung hindi maging sa international scene ng international sensation young trio na TNT Boys na binubuo nina Kiefer Sanchez, Mackie Empuerto at Francis Concepcion.
Hindi man nakaungos sa finals ng World’s Best ang TNT Boys, ngayon naman ay magkakaroon sila ng first international concert tour na pinamagatang TNT Boys Listen: The World Tour na kanilang sisimulan sa Chabot College in Hayward California sa darating na April 23 na susundan sa The Theatre ng Ace Hotel sa Los Angeles, California at pagkatapos nito ay lilipad ang trio patungong Alberta, Canada para naman sa kanilang live concert sa Edmonton Expo Centre on April 27. Inaayos naman ng management ng trio ang iba pang bansa na kanilang pupuntahan.
- Latest