Mga kumikita sa pelikula iilan na lang!
Natapos na naman ang isang festival ng indie films, na pinaulanan na naman ng papuri ng ilang supporters ng mga pelikulang indie sa social media. Pinupuri nila ang mahuhusay na pelikulang ginawa nila. Ang tinatanong lang namin, iyan kayang “magagandang pelikulang” iyan ay mailalabas sa isang commercial run sa mga sinehan?
Iyon kayang mga nanalo sa festival na iyan ay makakakuha ng malalaking movie assignments pagkatapos na manalo ng awards? Sisikat ba sila at hahangaan ng masa? Kung ang mga tanong na iyan ay hindi masasagot ng “oo” at “sigurado”, ano pa nga ba ang silbi?
Ang problema ng pelikula ng industriyang Pilipino ay hindi lamang ang bilang ng mga pelikulang ginagawa taun-taon. Ang problema ay hindi lamang walang makuhang trabaho ang mga manggagawa. Mas magiging problema kung dumating ang araw na wala nang mamumuhunan sa pelikula natin dahil lahat ng ginagawang pelikula ay nalulugi lang.
Noong kalakasan ng pelikulang Pilipino, kakaunti pa ang sinehan, pero ilang pelikula ang nagagawa sa loob ng isang taon? Ilang producers mayroon tayo noon? Marami ang nagpo-produce ng pelikula dahil malaki ang kita. Naibabalik ang puhunan nila. Kung ang sitwasyon ay kagaya ngayon, may makukuhang financiers, pero malulugi at hindi na uulit pa. Hahanap na naman ng mga bagong mamumuhunan ng pelikula, na kagaya noong nauna ay malulugi rin naman. Hanggang kailan kayo makakahanap ng mabobola ninyo na mamuhunan sa pelikula ninyo?
Iyan ang katotohanang kailangan nating tanggapin. Hindi sapat na makagawa lamang tayo ng pelikula tapos bahala na si Batman kung kikita o hindi.
Ang isang industriya ay sisigla lang kung may mamumuhunan. Mayroon lang mamumuhunan kung kumikita.
‘Pagnanakaw’ ng kanta ng ilang pulitiko, ginagantihan ng mga singer
Diretsahan na ang panawagan ng dating drummer ng Eraserheads na si Raymund Marasigan na huwag iboboto ang mga kandidatong gumagamit ng mga komposisyon na walang pahintulot mula sa gumawa ng orihinal na musika. Nakagawian na kasi iyan, na kung ano ang usong kanta, ginagamit nila ang tono, nilalagyan ng ibang lyrics at siyang ginagamit sa kampanya.
Hindi naman iyong mga national officials ang gumagawa niyan. Karaniwang gumagawa nang ganyan ay iyong mga kandidatong local, lalo na sa mga probinsiya. Katuwiran nila, sa maliit na teritoryo lang naman gagamitin iyon, at saka wala namang broadcast. Ginagamit lang iyon sa kanilang kampanya.
Ganoon pa man, paglabag iyan sa karapatan ng mga composer ng kanta.
Ang dapat sanang maghabol sa mga iyan ay ang FILSCAP, pero wala ring kakayahan ang samahan para habulin ang mga iyon. Ganyan na nga lang ang magagawa nila, hiyain nila ang gumagawa at ipakiusap sa mga tao na huwag iboto, pero pakikinggan kaya sila?
Mga gustong mag-artista, kanya-kanyang scandal
May isang leksiyong dapat matutuhan ang mga nag-aambisyong maging artista. Mahirap ninyong maitago o matakasan ang inyong nakaraan, lalo na kung naka-video. Problema iyan ngayon ng isang artistang babae, at isang artista ring lalaking lumutang na muli ang 25 minute video. Hindi naman mai-deny talaga dahil maliwanag ang mga video na kumakalat sa ngayon.
Kasi naman eh, bakit nga ba sila gumagawa ng sex video?
- Latest