Ibang pelikulang tagalog na hindi bagsak, iilan lang
Maganda iyong pananaw ni Charo Santos tungkol sa pelikulang Pilipino. Sinabi niyang hindi siya naniniwala na bagsak na ang industriya ng pelikula. Para sa kanya, may mga nangyayari lamang ngayong pagbabago dahil sa pagpasok ng bagong teknolohiya. May punto rin siya sa paniniwalang hindi bumabagsak ang pelikula kung hindi nailalabas lamang sa magkakaibang platforms na wala naman noong araw.
Noong araw nga naman, basta sinabi mong pelikula, sa sine lang ipinalalabas kaya iyon lamang kinikita sa mga sinehan ang basehan. Pero ngayon marami na ngang ibang outlet ang pelikula. Bukod sa video, mayroon ding TV at ngayon meron na ring streaming at sa lahat ng iyan ay kumikita naman ang pelikula, kaya mali raw na sabihing bagsak iyon, sabi ng aktres.
Ang kailangan nga lamang ay gumawa ng matinong pelikula para mapalawak pa ang market. Ganoon nga ang ginawa nila sa kanyang pelikulang Eerie, na bagama’t sa ika-23 pa ng buwang ito ipalalabas sa Pilipinas ay nagkaroon na ng world premiere sa Singapore. Ang pelikula raw ay magkakaroon din ng mga commercial theatrical run sa maraming bansa sa Asya, at may mga kausap na rin sila para sa US at European market.
Ganyan dapat ang direksiyon ng industriya. Gumawa ng mga pelikulang mataas ang kalidad, kumuha ng mga magagaling na artista at gumawa noong magugustuhan ng publiko. Sa ganoong paraan sigurado ka sa kita mo sa local market, bukod pa sa kikitain sa mga foreign theatrical exhibition.
Kasi iyong iba, napakaliit ang tingin sa industriya. Iniisip lang nila ang local market, kaya tinitipid nila ang puhunan sa pelikula. Dahil bagsak ang kalidad ay inilalampaso tayo ng mga dayuhang pelikula kahit na sa sarili nating bayan. Eh kung iisipin mo nga naman, nasa atin ang kakayahan.
Dayanara ligtas na sa panganib ng cancer
Nakakatuwa naman iyong pagpapasalamat ni Dayanara Torres, dahil sinabi man noon na siya ay may sakit na cancer, ngayon naman daw ay sinasabi ng kanyang doctor na kontrolado na iyon at hindi na nakalagay sa panganib ang kanyang buhay. Nagpapasalamat siya sa dasal ng kanyang mga kakilala at kaibigan, dahil naniniwala siyang iyon ang nagligtas sa kanya.
Isang inspirasyon iyan para sa atin. May isa kaming kaibigang nasa showbiz din. Ilang buwan ang nakakaraan ay natuklasan ding may cancer. Nanlulumo siya sa nangyari sa kanya. Kaya nga pinayuhan namin siya na iyang depression nagpapalala ng cancer. Nagpagamot siya, tumawag din sa Diyos at ngayon sinasabi ring maliit na ang kanyang tumor.
May isa pa kaming kaibigan na ganyan din ang natuklasan, sabi ko nga sa kanya, maaari pang gumaling iyan, ipagamot lang nang tama at humingi ng awa ng Diyos.
Male star umaming binenta ang sariling scandal
Walang masisisi ang isang male star sa pagkalat ng kanyang video scandal. Ibinenta naman pala niya iyon noong panahong walang-wala pa siya. Ngayon na nagkakaroon na siya ng pangalan, medyo kumakalat na. Siya rin naman pala ang may kagagawan noon eh sino nga ba ang sisisihin niya? Ibinenta pala niya eh, di pinagkakakitaan naman iyon ng napagbentahan niya.
Ang problema nga lang, sino sa mga napagbentahan niya ang aaming nagpakalat noon? Hindi lang naman pala isa ang napasahan niya ng kanyang video scandal.
- Latest