Scripts ng mga ginagawang pelikula, dapat i-revise!
Nakakahilo ang istorya
Natawa kami sa kuwento ng isang kritiko ng pelikula. Lahat daw sila na sabay-sabay na nanood ng isang pelikulang nag-flop nang ilabas itong linggong ito ay halos nahilo sa istorya. Ang gulo ng kuwento, at ang napansin nila, mas maganda pa raw iyong lumalabas na mga kasambahay sa mga Koreanovela kaysa doon sa bida.
Iyang kuwento ay isang mahalagang elemento ng pelikula. Kung napapansin ninyo, kadalasan iyong mga nanood ng sine, nagkukuwentuhan pa tungkol sa istorya ng pelikulang napanood na rin naman nilang lahat. Kaya kung ang director ng pelikula ay hindi marunong magkuwento, o masama ang script, binabago iyan. Noong araw, may tinatawag na “screenplay revisors”, dahil minsan kailangan iyon eh para mas mapaganda ang pelikula.
Natatandaan namin iyong pelikulang Bituing Walang Ningning. May kuwento iyan na tumakbo sa komiks. Ang ending sa komiks, nagkaroon ng matagumpay na concert iyong bida. Iyong kontrabida naman nalaos. Pero ang tanong ni direk Maning Borlaza, “kung ganyan sino ang bituing walang ningning?”
Nag-revise ng kuwento si direk Maning. Iyong ending ginawa niyang matagumpay na concert ng bida, pero sa kalagitnaan ng kanta iniabot niya ang mikropono sa kontrabida para ituloy ang kanta, at sumama siya sa kanyang boyfriend. Iyong bida ang “bituing walang ningning” at hit movie iyan.
“Hindi puwedeng hindi mag-edit, iba kasi ang pelikula, iba rin ang basta kuwento lang. Kung hindi ka marunong magkuwento at umaasa ka lang sa script mo, huwag kang mag-direk,” ang madalas na sinasabi sa amin noon ng mahusay na director at actor na si Leroy Salvador.
Si Mina Aragon noong araw, may mga dialogue siyang ipinadagdag sa scripts, at iyon ang natatandaan ng mga tao, nagiging hit ang kanyang mga pelikulang ginagawa.
Eh ngayon ano ang problema? Kayabangan! Maririnig mo, “kung gagalawin nila ang scripts ko hindi ko na gagawin ang pelikula” kaya ang kinakalabasan, flop naman.
Clique V at Belladonnas, sinugalan ng todo!
Napakalaking sugal ang ginagawa niyang 3:16 Events and Management. Ngayon isasabak nila sa isang major concert ang dalawa sa kanilang singing groups, iyong Clique V at iyong Belladonnas. Inaabot ng milyon ang puhunan sa ganyang klase ng concert, at bukod doon, gumagastos sila sa talent development. Inaayos nila ang hitsura ng kanilang artists. Ang paniwala namin, milyon din ang itinatapon nila riyan.
Pero iyon ang tama. Gusto mong sumikat ang talents mo, aba eh alagaan mo at mamuhunan ka para mapansin sila ng fans, hindi gaya ng ginagawa ng iba na puro starlets ang isinasabak kaya hayun, flop ang projects. Napagsasabihan pang mukhang chimay.
Ngayon makikita na ng manager na si Len Carillo kung ano naman ang bunga ng kanyang pagpapagod at malaking gastos. Kasi nga sa February 23, mangyayari ang major concert na iyan ng Clique V at Belladonnas doon sa Skydome, iyong This is Me, sa ganap na ika pito ng gabi.
Malalaman natin kung hanggang saan na ang extent ng kanilang nagawang talent development. Dahil iyong mga batang iyan, talagang beginner noong makuha nila. Ngayon sa kilos at ayos ay mukhang mga propesyonal nang talaga. Mukhang talagang may ibubuga.
Malalaman natin iyan sa mismong concert nila. Kaya nga nasabi namin na maski kami panonoorin namin iyan para malaman kung ano na ang narating nila talaga.
- Latest