^

Pang Movies

MMFF dalawang pelikula lang ang totoong kumita!

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pang-masa

Ipinagmamalaki ni MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) Chairman Danny Lim na ang Metro Manila Film Festival ay kumita nang mahigit na isang bilyong piso, ibig sabihin nalampasan nila ang kanilang target, at ganoon din ang festival noong 2015 na sinasabing siyang highest grossing festival noon.

Pero hindi ibig sabihin niyan ay mas maraming nanood ng sine sa festival na katatapos lamang. Dapat ninyong alalahanin na sa festival na ito, mahigit na tatlong daang piso na ang admission prices ng sinehan kaya hindi dapat ikumpara sa gross noong 2015 na kung kailan ‘di hamak na mas mababa ang admission prices. Ibig sabihin, malaki man ang gross ngayon, hindi mo masasabing mas maraming taong nanood.

Noong 2015, sinasabi ring mas maganda ang distribution ng kita dahil limang pelikula ang kumita. Sa taong ito, magalit na ang magagalit, pero ang totoo dalawang pelikula lang talaga ang kumita nang napakalaki, at iyong anim na iba pa flop na. Maski iyong third placer na pelikula ni Anne Curtis, ni hindi nga umabot sa kalahati ng gross ng number 2 na pelikula nina Vic Sotto at Coco Martin. Papaano mo masasabing kumita pa iyong iba?

Iyang sinasabi rin nilang isang bilyon, kita iyan ng mga pelikula ng festival sa kabuuan ng Pilipinas. Ang dapat na ilabas ay ‘yung sa Metro Manila lang dahil dito lang naman ang festival. Mula sa kinita sa Metro Manila, doon lang aasa ang beneficiaries ng festival. Wala silang makukuha mula sa taxes na kukunin sa labas ng Metro Manila.

Kaya nga kung noon sinasabing may mga pelikulang pipito lang ang nanonood, ngayon suwerte pa nga raw iyon dahil kahit pito may nanood. Ngayon daw may mga pelikulang ang nanood ay multo lang.

Pagbo-boost ng posts sa social media, ginagastusan ng milyones ng mga artista!

Ayaw naming mapag-usapan pa ang kaso ni Nicko Falcis, una wala naman kaming pakialam doon. Ikalawa iyan ay nasa korte na at magiging subjudice na kung pag-uusapan ang merits ng kaso. Pero may isa pang nakatawag ng aming pansin sa mga usapan. Mayroon palang bayaran para mai-boost ang mga post sa social media.

Kung sa bagay hindi naman sikreto iyan. Iniaalok iyan ng Facebook eh. Kung gusto mong mas maraming makakita ng posts mo, magbabayad ka para mai-boost iyon. Pero hindi nangangahulugan na basta boosted ang post mo, mas maraming magbabasa. Kasi iyong mga nagbabasa ng mga post sa internet, pinipili lang din naman nila ang binabasa, at lalo na ang pinaniniwalaan nila.

Matagal na naming naririnig iyan, na ang mga artista na nagbabayad para ma-boost ang social media posts nila o ng mga social media pralala nila. Akala nila magandang publicity na iyon para sa kanila pero kadalasan doon sila mas napapahamak. Milyon din pala ang gastos para ma-boost ang posts mo.

‘Feeling queen’ na personalidad, nabuko na ang mga kabalbalan!

Nabuko na pala ng kanyang producers si “feeling queen” na marami na ring kabalbalang ginagawa sa kanilang kumpanya, na akala niya lusot dahil “feeling queen” nga. Mukhang nakalimutan niya na hindi siya maaaring “mag-feeling queen” dahil suwelduhan lang naman siya sa kumpanya, at ngayong nabubuko na siya, baka sa halip na maging “feeling queen” maging “goodbye girl” na lang siya.

Malapit na daw siyang maging “goodbye girl” sabi ng aming source.

Sinasabi na namin eh, sabi ng mga feng shui experts, malas ang pig sa year of the pig.

DANNY LIM

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with