Lola ng Laguna, nanalo ng bahay at lupa
MANILA, Philippines — Naging mas maganda at maligaya ang Pasko ng lola na si Editha Virina, na niregaluhan ng bagong bahay at lupa mula sa Lumina Homes sa pagtapos ng 12 Days of Christmas na tradisyon ng Umagang Kay Ganda ng ABS-CBN noong Disyembre 25.
Natupad na rin ang pangarap ng 77 anyos na ginang mula sa Laguna na 13 taon pa lang nang umalis ng Visayas mag-isa upang maghanapbuhay.
Sa kasalukuyan, nagta-trabaho pa rin siya bilang labandera upang suportahan ang kanyang anak at mga apo.
“Matagal ko nang pinangarap na sana magkaroon kami kahit kaunting lupang titirikan ng bahay. Lagi naming iniisip, ‘pag kailangan na ng may ari yung lupa kung saan kami ngayon nakatira, paalisin na kami. Ngayon may sarili na kaming lupa,” aniya.
Sa isang kubong nakatirik sa lupa ng iba sa Nagcarlan nakatira ngayon si Editha kasama ang mga apo, at kanyang anak na lalaki na halos hindi na nakakakita. Ngayong may sarili na silang tirahan, mas magiging kumportable na ang pamumuhay nila.
Isang 22-square meter na Aimee rowhouse unit sa isang komunidad na malapit sa mga sakayan, paaralan, ospital, at ibang mga mataong lugar ang nakuha ni Editha. Gawa ito ng Lumina Homes, Every Juan’s Home, na may higit na 40 housing projects sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ang bagong bahay at lupa mula sa Lumina Homes ang ika-12 at pinakabonggang regalo mula sa UKG sa kanilang “12 Days of Christmas” special ng 2018. Sinimulan ito 10 taon na ang nakaraan para maghatid ng saya at pagmamahal sa mga nangangailangan.
- Latest