Andrea, Kristel at Empress aalamin ang nakaraan sa Samar!
MANILA, Philippines — Muling nagbabalik ang writer at director ng mga romantic drama movies na Iliw at I Found My Heart in Santa Fe na si Bona Fajardo sa kanyang pinakabagong pelikula na Kahit Ayaw Mo Na. Pinagbibidahan ito nina Empress Schuck, Kristel Fulgar at Andrea Brillantes.
Ang nasabing pelikula ay tungkol sa kuwento ng tatlong babae na sina Joey (Empress), Mikee (Kristel) at Ally (Andrea) na pare-parehong hahatakin ng nakaraan patungo sa napakagandang probinsya ng Samar.
Si Joey ay isang designer na nagpunta sa Samar kasama ang kanyang kasintahan na si Reggie (Daniel Matsunaga) para sa pagsisimula ng kanyang sariling negosyo. Sa Samar din niya makikilala sina Edlyn (Desiree Del Valle) at Dong (Alan Paule), mag-partner na malapit nang ikasal at nagpapatakbo ng isang banig-weaving business. Kasama nila sa bahay ang kanilang anak at aspiring composer na si Ally.
Si Mikee naman ay isang food at travel vlogger na pumunta sa Samar kasama ang kanyang kaibigan na si Jiro (Kuya Sawa) upang itampok ang Samar’s Secret Kitchens – ang pinaka-iingatang family recipe ng nanay ni Dong.
Kahit nae-enjoy nina Joey, Mikee at Ally ang ganda ng Samar, pilit pa rin silang ginugulo ng kanilang mga personal issues.
Panoorin sina Empress, Kristel at Andrea na ma-experience ang pinakamasaya at pinaka-memorable na summer sa Samar. Ma-hook din sa official
soundtrack ng pelikula na may parehong titulo mula sa This Band.
Mapapanood na ang Kahit Ayaw Mo Na sa mga sinehan nationwide simula sa December 5. Handog ito ng VIVA Films, Blu Art Productions, Spark Samar at Saga Prefecture Film Commission.
- Latest