Chiong Sisters buhay pa talaga?!
Dahil sa naging diskusyon sa radyo nina Arnold Clavio, Ali Sotto at Winnie Monsod, naisip naming hanapin ang kopya ng isang documentary na ginawa noon pang 2011 na may pamagat na Give Up Tomorrow. Isa iyong pagtalakay sa isang naganap na krimen at kung papaano ang nangyayaring pagpapatupad ng hustisya sa krimen na iyon. Ang talagang nakatawag sa aming pansin ay iyong comment ni Ali Sotto na nagsabing kakilala niya iyong abugado ng mga suspects, at ang mga iyon ang nagsabi sa kanya ang totoo “ni hindi magkakakilala iyong mga suspect”. Nasabi rin ni Winnie Monsod na hanggang sa ngayon ay hindi siya naniniwalang may kasalanan ang primary suspect na hanggang ngayon ay nakakulong pa, si Paco Larrañaga.
Pinanood namin ang kabuuan ng documentary. Mahusay ang pagkaka-research ng material. Masasabing bahagya ngang kinukuwestiyon ang justice system, pati na ang naging desisyon ng Korte Suprema sa kasong iyon, “but that is how justice is in our country” sabi nga ni Winnie Monsod.
Ayaw naming kuwenstiyunin ang mga merito ng kaso. Baka nga kasi mabuksang muli iyan at ayaw naming pangunahan ang korte. Isang malaking pagkakamali para sa isang peryodista na pangunahan ang desisyon ng korte, lalo’t kung may interest na muling buksan ang kaso sa isang panahong may naniniwala na makakamit na nila ang tamang hustisya.
Kung kami ang tatanungin, isang eye-opener iyong documentary na Give Up Tomorrow. Napakagandang timbangin ang mga pangyayari, lalo na’t iyan naman ay hindi acting lamang kung di may actual footage ng mga totoong nangyari. Ang nagsasalita ay iyon mismong mga taong involved sa kaso.
Didiretsahin na namin, iyan ay may kinalaman doon sa Chiong sisters case sa Cebu, na sinasabing isang kaso ng rape with homicide. Pero wala iyong bangkay eh. Sa pagtalakay sa isang krimen, kung wala ang tinatawag na “corpus delicti”, ibig sabihin ang ebidensiya. Halimbawa ay walang nakitang bangkay, hindi maaaring magkaroon ng kaso ng murder. Pero sabi nga namin, huwag pangunahan ang korte.
Pero base sa aming narinig na mga review, parang mas magandang panoorin ang documentary kaysa sa pelikulang ipinalalabas din tungkol sa nasabing kaso.
Direk Joyce kailangang mag-ingat
Kailangang maging maingat si direk Joyce Bernal sa kanyang direksiyon ng State of the Nation Address na gaganapin bukas. Direktor siya sa pelikula, habang ang SONA ay isang news coverage. Hindi naman dapat na masyadong cinematic ang dating. Sa dalawa niyang nagawang coverage ng SONA, nabanatan nang husto si direk Brillante Mendoza. May nagsasabi pa ngang ginawa niyang “indie” ang approach sa SONA.
Sana hindi maulit ang mga ganoong pambabatikos kay direk Joyce.
Mga Laos na, hindi na kayang gamutin ng publicity
Ang epekto ng publisidad ng isang artista ay hindi nasusukat sa rami. Ang batayan ay kung tinatanggap ba ng tao ang ginagawang publisidad para sa isang artista. Matadtad man ng pralala ang lahat ng uri ng media, matalino na ang publiko. Alam nila kung pralala lang iyan.
Ang batayan ay kung sumisikat na ang artista o lumulubog, na siyempre ang batayan naman ay ang malakas na following na makikita mo sa ratings sa TV, o kita sa pelikula. Kahit na anong pralala mo kung hindi naman kumikita, wala rin iyan.
Hindi talaga kayang takpan ng mga pralala lamang kung ang isang artista ay laos na. Gumastos ka man ng milyon sa pralala, kung laos ka na ay laos ka na. Hindi mo na mababaliktad ang mundo.
- Latest