Ricky Davao nagulat sa mga nalaman sa Korean actors
Kasama ang actor at director na si Ricky Davao sa bagong seryeng My Korean Jagiya. Sa pagkukuwento niya ng kanyang naging experience, bilib na bilib siya sa professionalism ng mga actor na Koreano na kasama nila sa serye.
Marami ring Korean actors na kasama sa kanilang serye, at ang bida nga ay si Alexander Lee na dating member ng boy band na U-Kiss. Isa rin siyang TV host at model sa Korea. First time niyang gumawa ng project sa Pilipinas, ang serye na tinawag pa niyang “Kopino”, meaning Korean-Filipino.
Pero si Ricky, bilib sa mga kasama nilang Koreano. Kasi maaga daw talaga kung dumating sa set, at mukhang enjoy na enjoy sa trabaho, wala rin silang pakialam kahit na kung minsan ay inaabot na ng madaling araw ang kanilang taping.
“Tuluy-tuloy lang ang trabaho nila. Minsan tayo hindi ba kung napapagod na medyo tinatamad na, pero sila mukhang hindi napapagod. Minsan sila pa ang may gusto na ituloy pa ang trabaho. Kasi siguro nga narito sila sa atin, baka gusto na rin nilang umuwi, kaya advantage para sa kanila na matapos agad ang buong serye.
“Gulat na gulat din sila sa sistema ng taping dito sa atin. Ang kuwento nila, sa Korea basta outdoor ang taping, naghihintay sila ng take sa kotse nila. Dito tuwang-tuwa sila dahil mayroon pa tayong air conditioned tent. At saka alam mo naman sa GMA, alaga ang lahat sa pagkain. Hindi lang naman mga artista kung hindi buong production crew. Sa kanila kasi kung gusto nila ng extrang pagkain, magbabaon sila. Eh dito sa atin, pati pagkain sa set hindi na kailangan ng extra.
Basta nga nagkukuwento sila, ang magiging feeling mo talaga palang suwerte pa rin ang mga artistang Pilipino, kasi mas maganda talaga ang treatment sa atin. At saka itong mga Koreano, ang sarap kasama kasi talagang professional lahat,” sabi ni Ricky Davao.
Pinoy serye marami pang dapat matutunan Koreanovela tax-free
Mukhang marami rin tayong dapat matutuhan mula sa mga Koreano sa paggawa ng mga teleserye. Una, kung gumagawa sila ng serye, buo talaga ang kuwento. Hindi kagaya rito sa atin, basta nag-rate pahahabaing pilit, kung anu-ano na ang isasaksak sa kuwento mapahaba lang. Minsan naman kung mahina, parang wala pang katapusan ang kuwento ay pinuputol na.
Sa kanila rin daw, basta ang ginawa mo ay nagpo-promote ng Korean culture, tax free ka. Kaya pala kung napansin ninyo, maraming seryeng Koreano ang medyo historical ang dating. Iyong una ngang serye na talagang tinutukan namin noon, iyong Jang Geum, kuwento iyon ng kauna-unahang babaeng doctor ng isang hari ng Korea. Bahagi iyon ng history nila. Pinayayaman na ang kultura, nakakasiya pa ang kanilang palabas. Eh dito sa atin, maraming kung anu-ano lang.
Noong gawin nila iyang My Korean Jagiya, na pinagbidahan din ni Heart Evangelista, and by the way ginawa pala iyan na parang celebration din ng kanyang 19 years sa showbiz, marami silang natutuhan sa mga nakasama nilang Koreano.
Mula rin doon nalaman nila ang style kung papaano ginagawa ang mga teleserye sa Korea, na alam naman natin na nagugustuhan ng mga tao, maging dito sa Pilipinas at iba pang mga bansa sa Asya. Kung lahat nga ng iyan ay matututuhan natin, baka dumating ang isang araw na ang mga serye natin ay maging in demand na rin sa ibang bansa.
Magagaling naman ang mga artista natin. Kayang-kaya rin natin iyan.
- Latest