Annabelle may buwelta sa BIR
“Harassment,” ang maikling comment ng aktres at talent manager ding si Annabelle Rama tungkol sa 38.5 milyong tax deficiency case na isinampa laban sa kanyang anak na si Richard Gutierrez. Sinabi ng BIR na hindi nakapag-file ng tamang buwis si Richard noong 2012.
Pero ang abugado ng actor ay nagsabing hindi pa nila natatanggap ang kopya ng sinasabing reklamo, at nakahanda naman silang harapin kung ano man ang kasong iyon kung sakali.
Hindi lang naman si Richard ang artistang nagkakaroon ng tax case, marami na, at lahat halos ng mga sikat na artista nagkaroon na ng ganyang kaso. Hindi naman sinasabi ng BIR na ang mga artista ay mga tax evaders, at alam nila na kung minsan, ni wala namang alam ang mga artista sa mga bagay na iyon, at inaayos lamang ng kanilang mga accountant na “posibleng nagkamali” lamang ng kuwenta.
Naging malaking issue nga lang iyan dahil si Richard Gutierrez, pero maraming ganyang kaso na maaaring kasabay ding isinampa ng BIR .
Mga manonood choosy sa pelikula
Hindi mo talaga mapipilit ang publiko kung anong pelikula ang gusto nilang panoorin. Pumasok kami sa sine noong isang araw, at nagbayad kami, dahil gusto naman naming kumita sila kahit na papaano sa kanilang proyekto. Pinanood namin iyong award winning movie na Spotlight, na bagama’t isang pelikulang ingles ay aywan nga ba kung bakit nasama sa isang proyektong kung tawagin nila ay Cine Lokal.
Nakakalungkot isipin na award winning pa naman ang pelikula, pero lilima kaming nanood sa screening na iyon. Nagbigay naman sa amin ng warning ang takilyera, na kung wala raw bibili ng tickets para manood kasabay namin, maaari naman daw i-refund ang aming ibinayad. Wala namang nangyaring refund dahil lima nga kaming nanood, pero napakalaking lugi noon para sa sinehan.
Hindi namin alam kung hanggang kailan tatagal iyan kung luging ganyan. Hindi rin namin alam kung may gastos ba ang gobyerno riyan sa proyektong ‘yan. Pero malinaw na lugi. Hanggang kailan sila magpapalugi nang ganyan para mai-promote lamang ang mga pelikula nilang indie na hindi pinag-iinteresan ng mga mahihilig sa pelikula?
DZMM nagre-replay
Sayang iyong dzMM Teleradyo. Magaganda na ang mga dating programa sa radio na napapanood sa cable, ngayon ginawa pa nila iyong replay channel ng mga naipalabas na programa sa ABS-CBN sa halip na mga original na programa ang napapanood. Kung sabagay, maraming magagandang cable channels na bukas din naman kung gabi.
- Latest