Award-winning episodes ng I Juander babalikan
MANILA, Philippines - Bilang panimula ng taon, tampok sa I Juander sa January 4 ang mga kuwentong kinilala ng iba’t ibang award-giving bodies.
Sa halos anim na taon ng programa, di maikakailang malayo na nga ang narating ng I Juander dahil sa inspirasyon at aral na hatid nito na talaga namang kinaaaliwan ng mga manonood.
Noong 2014, hinirang ng Star Awards ang programa bilang Best Magazine Show at ang mga hosts na sina Susan Enriquez at Cesar Apolinario bilang Best Magazine Show Hosts. Naging tulay sa pagkapanalong ito ang kuwentong kumilatis sa pagka-Pilipino ni Juan. Suki na rin nga ng UPLB Gandingan Awards ang I Juander dahil sa magkasunod na taon ay kinilala itong Best Youth-Oriented TV Program.
Taong 2015 naman nang igawad ng prestihiyosong U.S. International Film and Video Festival (USIFVF) sa I Juander ang Silver Screen Award para sa kategoryang Environment/Ecology and Social Issues. Tinalakay dito ng programa ang kalunus-lunos na sitwasyon ng edukasyon sa bansa. Tinangka ng I Juander na sagutin ang tanong na “Hanggang saan nga ba ang kayang gawin ni Juan para sa pag-aaral?”
Patuloy ang tagumpay ng programa noong 2016 dahil sa paghirang ng Catholic Mass Media Awards sa I Juander bilang Best Magazine. Huwarang Programa ng Taon naman ang tinanggap nito mula sa Inding-Indie Festival.
Balikan ang mga kuwentong ito na humakot ng parangal sa Miyerkules, 8 p.m. sa GMA News TV.
- Latest