Dedma sa kaliwa’t kanang rally, mga bagets sumugod sa mga sinehan
Parang December 25 kahapon dahil maaga na nagbukas sa mga sinehan ang mga pelikula na naligwak sa Metro Manila Film Festival 2016, ang Enteng Kabisote 10 and The Abangers at ang The Super Parental Guardians.
Feel na feel ng moviegoers ang Christmas spirit dahil dalawa at hindi lamang isa ang mga sinehan sa mga mall na pinagtatanghalan ng mga pelikula nina Vic Sotto, Vice Ganda at Coco Martin.
Habang nagaganap ang kaliwa’t kanan na rally kahapon sa Metro Manila laban sa paglilibing kay ex-President Ferdinand Marcos sa Libingan ng Mga Bayani, nanonood naman sa sine ang mga bagets, kasama ang kanilang mga magulang na dedma sa mga kilos-protesta.
Sunshine relate na relate sa losyang at matabang ipinagpalit ng mister
Child star pa lang si Sunshine Dizon nang makatrabaho niya si Gabby Concepcion sa Huwag Kang Hahalik sa Diablo, ang pelikula ng Regal Films noong 1989.
Sa rami ng mga pinagdaanan ni Gabby, hindi na niya ma-remember na nagkasama sila ni Sunshine sa isang movie project pero ngayon, husband-and-wife na ang mga role nila sa Ika-6 na Utos, ang afternoon prime teleserye ng Kapuso Network.
Ang sey ni Sunshine, hindi nagbago as in hindi tumanda ang hitsura ng Kuya Gabby niya na naloka dahil kuya talaga with matching po at opo ang pakikipag-usap sa kanya ng younger stars ng Ika-6 Na Utos.
Losyang at mataba na ipinagpalit sa ibang babae ng kanyang asawa ang role ni Sunshine sa Ika-6 Na Utos.
I’m sure, relate na relate si Sunshine sa role niya dahil hindi nalalayo ang kuwento ng teleserye sa mga nangyari sa kanyang personal na buhay.
Tumanggi si Sunshine na magsalita tungkol sa estado ng relasyon nila ng kanyang estranged husband na si Timothy Yap dahil nasa korte na ang kanilang kaso.
Carmen aktres na ang pakilala, tinalikuran na ang pagkanta
Mapang-api na biyenan ang role ni Carmen Soriano sa Ika-6 Na Utos.
Maligaya si Carmen dahil nanay ni Gabby ang papel niya dahil sa kanyang huling project sa GMA 7, lola ni Jomari Yllana ang ginampanan ng veteran singer.
Retired na si Carmen sa pagkanta kaya aktres na ang pakilala niya sa sarili. Si Carmen ang nanay ng dating matinee idol na si Lloyd Samartino.
Ping mas kapani-paniwala
May sagot si Ping Medina sa pralala ni Baron Geisler na alam niya ang gagawin sa kanya nang kunan ang torture scene niya sa indie movie na Bubog.
Ang sey ni Ping, true na may sinabi si Baron na gagawin pero hindi nito nilinaw na iihian siya.
Kapani-paniwala ang explanation ni Ping dahil walang tao na matino na papayag na ihian siya ng ibang tao. Kung direstahan na sinabi ni Baron na iihian niya si Ping, tiyak na hindi ito papayag.
Marami ang kampi at nakikisimpatiya kay Ping, kabilang si Liza Diño, ang chairperson ng Film Development Council of the Philippines.
Naglabas si Liza ng mahabang statement tungkol sa insidente at mukhang mangyayari ang pralala ni Baron na tanggalin ito sa industriya.
- Latest