Mga nalalaos na artista mas suki ng droga
Naiintindihan namin ang point na pinalalabas ni Rez Cortez bilang presidente ng KAPPT. Hindi dahil sa gusto niyang bigyan ng proteksiyon ang mga kapwa artistang gumagamit ng droga, pero sinasabi niyang baka unfair naman kung hihiyain sila dahil hindi naman sila drug lords. Hindi naman sila mga pusher. Kung iisipin mo karamihan diyan ay users, biktima sila ng droga.
Ang explanation nga niya, wala silang sinirang buhay ng ibang tao. Ang sinira lang nila ay ang buhay nila, at sila ay dapat na tulungang makabangon. Sinabi naman niyang nakahanda ang KAPPT na tumulong sa mga artistang gusto nang magpa-rehab. Handa rin naman silang makipagtulungan sa PNP. Tama nga ang kanyang sinabi, kung talagang may kasalanan, hulihin at ikulong. Kung matutulungan naman, dapat tulungan.
Iyong mga ibinulgar nga naman ng gobyerno, mga kilalang drug lords at pushers. Hindi naman nakialam ang KAPPT nang mahuli sina Sabrina M at Krista Miller, dahil sinasabi ngang sila ay “tulak”. Unfair naman iyong mangyayari rin ang ganoon sa mga taong naging biktima lamang ng mga tulak. Malamang ang nakuha nilang listahan mula sa mga nahuli nila ay “buyers” at hindi naman mga “supplier” ng droga.
Sa showbusiness na ang hanapbuhay ay nakataya sa reputasyon ng isang tao, malaking dagok nga iyang ganyan na maakusahan kang isang drug dependent.
Kung iisipin mo rin, dahil na rin naman siguro iyan sa katotohanang sa showbusiness, wala silang security. Sikat ka ngayon, pero hindi mo alam kung ano ang mangyayari sa iyo bukas. At marami ang hindi makatanggap na laos na sila, kaya napapasok sa droga.
Iyon namang mga sikat, naroroon din ang insecurity dahil hindi nila alam kung hanggang kailan iyon, at dahil maraming pera, sila ang tina-target ng mga tulak ng droga. Kung iisipin mo nga naman, sila ang talagang mga biktima.
Mga entry sa MMFF puwedeng hindi finished product ang ibigay
Extended daw ang deadline ng Metro Manila Film Festival (MMFF) sa pagsusumite ng mga pelikulang makakasali sa festival sa December, hanggang sa makatapos lang naman itong long weekend. Sinasabi nilang kailangang maisumite ang buong pelikula, “in its integral part”, pero pinapayagan naman nila later on na baguhin ang musika, o gumawa ng corrections sa sound. Iyon ang sinasabi naman ng iba na “hindi pala finished product” at unfair daw iyon sa mga nagpilit na tumapos ng pelikula para makahabol sa deadline.
Pero tandaan ninyo, iyang MMFF ay isang trade festival. Natural nag-iisip iyan ng mga pelikulang maipapalabas sa mga sinehan. Hindi iyan kagaya ng ibang festival na karamihan ay indie, na walang pakialam kung maipapalabas pa sa sinehan ang mga pelikula o hindi na. Iyan ay papasok sa panahon ng pinakamalakas na playdate, eh kung walang pelikulang commercially viable, iiyak ang mga may-ari ng sinehan. Para mo naman silang ginilitan ng leeg noon.
Kinuha mo ang panahon na maaari silang kumita nang maganda tapos sinira mo dahil naglabas ka ng pelikulang ayaw namang panoorin ng mga tao. Hindi naman mapipilit ang mga tao na manood ng pelikula kung ayaw nila eh. Tingnan ninyo iyong ibang festival na puro indie, kumita ba?
Aminin na natin, kailangan natin iyong mga pelikulang kumikita para sa festival, kahit na ano pa ang sabihin ninyong kalidad ng mga pelikulang iyan.
- Latest