Award na natanggap ng mga Pinoy sa abroad, hindi gaanong sineryoso ng mga kababayan
Hindi nangyari ang inaasahang grand welcome nang dumating ang nanalong best actress na si Jaclyn Jose mula sa Cannes, France.
Noong una, may nagsasabi pang dapat ay magkaroon ng motorcade sa kanyang pagdating. Napansin din namin nang makita namin ang video ng kanyang arrival sa airport, mukhang maski ang media hindi gaanong nag-effort. Ang nakita nga lang naming kasabay niyang naglalakad sa video ay si Nelson Canlas ng GMA 7.
Usually basta may ganyang arrival, makikita mo na nagkakagulo ang media, kahit na nga madaling araw pa iyan.
Pagkatapos nga ng kanyang arrival, nagkaroon siya ng live interview sa newscast ng GMA 7, kasi isinabay na pala iyon sa launching ng isang show na gagawin niya para sa network. Tahimik ang dalawa pang leading networks, ang ABS-CBN at TV5 sa balitang iyon.
Sa kanyang interview, nakiusap si Jaclyn na sana panoorin naman ng mga Pilipino ang pelikulang Ma’Rosa na nagpanalo sa kanya ng award kung maipapalabas na nga iyon sa mga sinehan. Sabi niya, “talagang pinaghirapan naman namin iyan”.
Ngayon natin makikita kung maaari ngang mai-translate ang panalo niya sa Cannes sa magandang kita ng kanyang pelikula. Ngayon din natin masasabi kung ang panalo niya sa Cannes ay makapaghahatid ng mataas na ratings kahit na sa kanyang ginagawang serye sa telebisyon. Malalaman natin kung ano talaga ang palagay ng mga Pilipino sa mga award.
Sabi nila, mali raw kasi ang timing ng dating ni Jaclyn. Nagsimula na kasi ang kongreso ng official canvas of votes para sa presidente at bise presidente, at doon nakatutok ang lahat ng TV stations. Matindi pa rin ang usapan tungkol sa kaso ng droga at sa limang namatay sa isang rave party na ginanap sa concert grounds ng isang mall sa Pasay.
Nasabayan pa siya ng panalo rin ni Jake Cuenca sa Brazil at ng isa pang anak ni Mark Gil, si Sid Lucero sa Los Angeles naman. Pero mas lalong hindi napansin ang panalo ng dalawa sa mas maliliit na festivals na kanilang nasalihan. Iyon nga lang dahil nagkasabay-sabay, ang naging feeling tuloy ng ilan, sampu sampera naman pala iyang awards mula sa abroad eh.
Gwapong semenarista na sumikat nang dumating ang Santo Papa, may album na
Natatandaan pa ba ninyo iyong semenaristang mukhang matinee idol na nakatawag ng pansin ng publiko nang kumanta ng Salmo sa misa ni Pope Francis sa UST, iyong si Kenneth Parsad?
Mabilis siyang napansin noon, pero dahil semenarista nga, siya mismo nag-shy away sa atensiyon ng publiko, after all hindi naman ganoon dapat ang magiging isang pari.
Pero nagulat kami noong isang araw nang makita namin, gumawa pala siya ng CD. Mayroon na siyang album, pero mukhang inilihim yata ang pagkakagawa noon. Walang usapan eh. Kung hindi nga lang namin nakita, malay ba naming may album siya?
In fairness, maganda naman iyong album. Hindi nga lang kumersiyal. Isa pa, mukhang inilihim nga yata ang album na iyon kaya hindi mo inaasahang magiging big hit iyon. Sayang naman.
Character actor mag-isang pumapasok sa motel!
Ano raw kaya ang dahilan at madalas na makita ang isang character actor na pumapasok sa iba’t ibang motels nang mag-isa?
Loner lang daw kaya siya o suma-sideline? Mayroong mga suspetsa na baka naman may naghihintay na sa kanya sa mga lugar na iyon, kaya mag-isa na lang siyang pumapasok. Kung ganoon, kawawa naman ang misis niya.
- Latest