Unang lamay kay Kuya Germs, sobrang box office!
Talo pa ang isang special ng kanyang TV show sa unang gabi ng wake ni Kuya Germs sa Our Lady of Mount Carmel National Shrine.
Hindi lang isa, kung ‘di lahat ng chapel sa mortuary ng simbahan ay nasakop na niya. Hanggang sa labas, ang daming taong nakikiramay. Lahat halos ng malalaking artista ay naroroon, movie queens ng ilang henerasyon, simula kina Gloria Romero, Susan Roces at iba pa. Naroroon din ang mga napasikat niyang mga artista sa That’s Entertainment. Nakita namin sina Manilyn Reynes, Gladys Reyes, Sharmaine Arnaiz, Carmina Villaroel, Zoren Legazpi, Randy Santiago, AiAi delas Alas, at napakarami pang iba na siguro kung sasabihin mong isang TV show lang, ang hirap ipunin.
Pero dahil nga si Kuya Germs iyan, maaari ba naman silang hindi dumating?
Pero ang nakatawag ng aming pansin noong gabing iyon ay ang sermon ni Rev.Fr. Sonny Ramirez, na nagkukuwento sa mga karanasan niya kay Kuya Germs.
Iyong debosyon ng Master Showman sa Mahal na Birhen ng Manaoag, iyong paghahandog niya ng isang show para sa Birhen sa Manaoag mismo, kasama niya ang lahat ng kanyang mga artista, at iyong sinasabi niyang madalas na paglapit sa kanya ni Kuya Germs para mangumpisal.
Madalas daw sinasabi ni Kuya Germs, marami siyang kasalanan. Binibigyan naman daw ng assurance ni father na kung ano man ang kasalanan niya, napatawad na iyon ng Diyos. Iyon ang pagkukumpisal. Sa oras na ang isang tao ay gumawa ng desisyon na ikumpisal ang kanyang mga kasalanan, pinatawad na siya ng Diyos. Hindi na nakikita ng Diyos ang mga pagkakamali, kung di ang maganda na lang na ginawa natin para sa ating kapwa.
Lahat halos emotional eh. Mararamdaman mo ang matinding emosyon habang nagmimisa.
Mananatili si Kuya Germs sa Mt. Carmel church hanggang sa Martes ng gabi.
Miyerkules ng gabi ay ililipat siya para mapaglamayan naman ng magdamag sa GMA Network Studios. Wala pang pormal na announcement ang kanyang libing.
‘Di dapat agad humusga pagmumura ng mga direktor, nasa ‘kultura’ ng showbiz
Tama ang sinasabi ni senatoriable Susan Ople. Nang tanungin namin siya tungkol sa controversy ngayon sa pagitan ng isang director at ng ilang bit players na nagreklamo dahil sa masamang treatment daw sa kanila, ang sagot niya ay “I don’t want to judge”.
Bagama’t sinabi ni senatoriable Ople, na isang dating labor arbiter, na hindi tama ang nangyayaring verbal abuse o panghihiya sa kanino mang manggagawa, kailangan sigurong pag-aralan at unawain kung ano nga ba ang kultura sa industriyang iyon. Kailangan ding pag-aralan kung ano ang mga circumstances at nangyari ang ganoon.
Halimbawa nga naman, may nagprisinta, o dinalang talent sa isang director, natural lang na isipin ng director na nalalaman na ng talent kung ano ang kanyang gagawin.
Talagang maiinis at maaaring magmura ang director kung ang madadala sa kanya ay hindi magagawa kung ano ang kailangan niya. Halimbawa, kailangan ng leading man. Hindi umubra iyong unang kausap, sa halip kumuha ng isang dentista at ginawang leading man. Makakabunot iyon ng ngipin pero hindi siguradong makaka-arte. Hindi ba natural lang naman na magalit ang director?
Isipin din naman natin, talaga bang ang minumura ng director ay iyong tao, o nagagalit siya sa pangyayaring hindi magawa ng talent ang gusto niya? Isa pa, gaano kalaki ang pressure sa isang director na matapos niya ang kanyang trabaho sa takdang panahon? Maaari pa ba siyang tumigil sandali at magturo ng iba pang mga bagay na dapat matutuhan ng isang baguhan sa isang workshop?
Tama si Toots Ople. May mga bagay na mali pero unawain natin kung bakit nangyayari ang mga bagay na mali kung minsan.
- Latest