Mga pelikulang pipilahan sa MMFF, tukoy na tukoy!
Merry Christmas po. Ito ang araw na hinihintay ng lahat halos ng mga tao. Masaya ang lahat dahil parang “common birthday” celebration na ito.
Ipinagdiriwang natin ang kapanganakan ni Hesukristo. Huwag na tayong magtalo at huwag nang gawing issue kung tama nga ba ang petsa sa kapanganakan ng Panginoon, ang mahalaga ay ipinagdiriwang natin iyon.
Ito rin ang araw na hinihintay ng mga tao sa industriya ng pelikulang Pilipino. Kasi ito ang unang araw ng Metro Manila Film Festival.
Iyan lang ang panahon na ang mga pelikulang Pilipino ang naghahari sa mga sinehan. Sa ibang mga panahon, nangingibabaw pa rin ang mga pelikulang Ingles.
Ngayon nga eh, dahil wala naman tayong mga pelikulang pang-iMax, pinayagan pang ipalabas sa mga iyon ang Star Wars.
More or less, hindi na natin dapat pang ipagtanong kung anong mga pelikula ang pipilahan ng mga fans ngayong araw na ito. Pero kami, hindi muna kami makikipila at makikipagsiksikan sa mga sinehan. Mag-eenjoy muna kami sa Star City.
Hindi natin kailangang maging manghuhula para mahulaan ang first day top grosser, pero kami bukas ang una naming panonoorin ay iyong sinasabi nilang pelikulang may katuturan, ang Honor Thy Father.
Isusunod na namin agad iyong Walang Forever. Gusto kasi naming makita kung ano nga ang totoo at ang kalalabasan ng awards.
Sa makalawa, pagsasabayin namin ang dalawang horror movies, ang Haunted Mansion at Buy Now Die Later.
Tapos panonoorin din namin iyong pelikula ng JaDine, ang Beauty and Bestie. Gusto naman kasi naming mapanood ang love team na iyan sa pelikula.
Pagkatapos, siguro tigil na kami sa panonood. Magastos din naman iyan.
Ayaw namin ng mga pelikulang tadtad ng commercials. Ayaw din naman namin noong puro controversy lamang ang sinasakyan.
Kailangan maging matalino na tayo sa pamimili ng papasuking sine, aba napakamahal na ng bayad sa mga sinehan. Huwag sayangin ang inyong pera.
MMFF winners, wala sanang ‘ma-Colombia’
Kung pakikinggan mo rin naman ang opinion ng mga lehitimong kritiko, more or less alam mo na ang kalalabasan ng awards night sa makalawa.
Pero mahirap hulaan, alam naman ninyo ang Metro Manila Film Festival, maraming resulta iyan na “unexpected”.
Hindi ‘yan nalalayo sa FAMAS o sa iba pang awards night na kung minsan matatawa ka na lang sa mga choices.
Hindi mo puwedeng tutulan ang kanilang mga choices, kasi iyon ang opinion nila. Kasabihan na nga buntot mo hila mo.
Wala kang paki. Ang masama nga lang ay kung may “ma-Colombia”.
Meaning may i-announce na hindi naman pala nanalo tapos mababawian.
This year we are hoping for the best. Sana...
‘Maligayang Pasko, PM readers!’
Itong taon ito, tatlong Christmas party rin ang aming napuntahan. Iyong party ng TV5. Iyong party ng GMA 7, at siyempre iyong party ng Star Group na hindi namin pinalalampas talaga. Masaya ang Pasko at gusto naming ipaabot ang aming pasasalamat sa lahat ng nga nakaalala.
Huwag na nating isa-isahin pa dahil masyadong mahaba ang listahan at tiyak na magagalit si Ate Salve dahil mauubos ang space naming para roon lang.
Pero higit sa lahat ang binabati namin ng Maligayang Pasko ay ang aming mga mambabasa. Kaya lang kami nananatili rito ay dahil sa kanila. Maligayang Pasko po at maraming salamat.
- Latest