Regine ngayon lang natupad ang matagal nang pinapangarap na concert
Natupad ang pinakaaasam na pangarap ni Regine Velasquez-Alcasid sa kanyang concert na pinamagatang Regine at the Theater na ginanap sa Solaire Resort nung Biyernes ng gabi.
Aminado ang Asia’s Songbird na napakahirap na show ang ginawa niya pero maituturing na isa sa best shows at best list of songs din sa kanyang career dahil pawang galing sa musical plays ang mga kinanta niya. Talagang napakahusay ng performance ni Regine at ibinuhos ang galing sa broadway songs na para lang niyang minamani.
Matagal na niyang pangarap na gumawa ang musical concept, pero ngayon lang siya nagkalakas ng loob dahil bawat kanta nga namang napili niya ay kailangan ng mas malalim na paghuhugutan ng character. Hindi nagkamali si Regine na ngayon gawin ang broadway concept na concert, kung saan mas marami na siyang pinagdaanan sa buhay.
Kahit daw masyonda (matanda) na siya ng light ay binigyan pa siya ng chance ng Panginoon na ipamalas ang kanyang powerful na talent.
Ang ganda-ganda ng bawat arrangement ng mga musical songs, pati ang kantang On My Own na ginamit niya sa audition sa Miss Saigon dati ay napakahusay niyang kinanta.
Nagbigay din siya ng tribute sa mga Tagalog songs na nilikha ni Maestro Ryan Cayabyab. Hindi rin pinaligtas ni Regine ang Phantom of the Opera ka-duet ang musical director na Raul Mitra na may magandang boses pala. The best din sa show ang pagkanta ni Regine bilang Maria Clara ka-duet ang napakagaling na si Audie Gemora na original na kumanta bilang Crisostomo Ibarra bago sinundan ng kanta ng stage play ng Noli Me Tangere.
Stunning din si Songbird sa kanyang mga gown at instant terno with matching boots na ipinakita ng singer/actress.
Bawat instant suot niya ng bolero at sukbit ng extension gown sa stage ay nagbabago agad ang style at character na sosyal ang dating ng Songbird na binagayan sa venue ng The Theater ng Solaire. Binitbit din ni Regine si Nate sa stage at behave naman si Boo, habang kinanta nito ang favorite song ng anak na nagdiriwang ng birthday ngayong Linggo.
Sa ganda ng mga musical arrangements sa nasabing concert ni Regine, dapat gawan niya ito ng album at hindi dapat palampasin dahil bagong concept at ibang-ibang Songbird ang mapapanood sa kanyang concert na mayroon pang show sa Nov. 20 & 21.
- Latest