Sam sa December pa balak i-date si Jennylyn
Sa premiere night lang din ng The PreNup held last Tuesday napanood ni Jennylyn Mercado ang kabuuan ng pelikula nila ni Sam Milby.
“Kasi, nung ano, dinub ko lang naman siya, iba-iba ‘yung sequencing. First time ko napanood kaya tawa talaga ako nang tawa. Halakhakan kami nang halakhakan ni Sam kanina,” say ni Jen nang makausap namin sa dinner matapos ang matagumpay na red carpet premiere night na ginanap sa SM Megamall.
Kinilig ba naman siya sa mga eksena nila ni Sam?
“Oo naman, hindi nga ako tumitingin, nagtatakip ako ng jacket kapag may kissing scenes,” she said.
Na-realize na ba niya by now na parang comedy talaga ang forte niya dahil sa totoo lang, ang galing-galing niya sa movie?
Natawa si Jen.
“Matagal ko nang dream ‘yan, eh. Magkaroon ng ganyang pelikula. ‘Yang ganyang comedy. Ngayon lang ako napagbigyan, eh. Nung ginawa ko ‘yung English Only Please, tapos sumunod ‘to.
“So, nung talagang dumating ‘to, “sige, gusto ko ‘yan”, kasi puro na lang ako drama. Parang pang-release lang nun’g ano,” say ni Jen.
Ang next movie naman niya pagkatapos ng The PreNup ay Walang Forever with Jericho Rosales na pang-Metro Manila Film Festival sa December. Aniya ay medyo iba naman daw ito.
“Kasi lahat (halos ng MMFF entries), nag-rom-com (romantic-comedy) na, eh. Kasi last year, kami lang naman ang rom-com (in EOP). This year, nung nakita namin ‘yung line-up, ah, kailangan naming baliin. Umiba kami. Dramedy (drama-comedy),” pahayag pa ng aktres.
Later ay nag-join na si Sam sa table at ang unang tanong sa kanila ay kung kailan ba sila magde-date.
Sagot ni Jen, “hindi naman niya (Sam) ako niyayaya.”
Sagot naman ni Sam, “busy siya, eh.”
Say naman ni Jen, “kasi lagi niya akong niyayang mag-jujitsu. Sabi ko, pag natapos ako ng November, naka-survive ako, kasi ‘yun ‘yung talagang pinakabugbog ako (sa dami ng schedule), pagkatuntong ng December, ang dami ko nang “Ahh”, nganga, ganu’n.”
Ang ending, niyaya ni Sam na mag-dinner si Jen sa December.
“December, dinner tayo,” say ni Sam kay Jen.
“Oo nga,” pagpayag naman agad ni Jen. “Ang dami ko ngang free, ang ginagawa ko na lang ng December, Walang Forever (movie).”
Sabi naman ni Sam, “sige, Jujitsu, muay thai (tayo), tapos dinner after.”
Tawa nang tawa ang entertainment press dahil ang tagal-tagal pa ng first date nila, tapos jujitsu at muay thai pa ang gagawin nila. Ano bang date ‘yun?
Pero sa totoo lang, habang pinagmamasdan namin silang magkatabi, kitang-kita na bagay talaga sila. Kaya naman siguro talagang pinu-push sila na magkatuluyan ng mga nakapaligid sa kanila ha-ha-ha!
Jennylyn binagayan ng pagiging luka-luka
Still on The PreNup, nakakatawa naman talaga ang pelikula. Nag-enjoy kami sa mga hilarious scenes ng buong cast, tulad nina Dominic Ochoa, Neil Coleta, Gardo Versoza, Jacklyn Jose, Freddie Webb, Melai Cantiveros and Ella Cruz. Riot talaga ‘pag magkakasama sila.
Minsan pa, after English Only Please, pinatunayan ni Jen na talagang magaling siya sa comedy. Kaya niyang patawanin ang audience na siya lang mag-isa sa scene.
Gustung-gusto namin ang mga eksena ni Jen na kinakausap niyang mag-isa ang sarili. Laugh kami talaga nang laugh.
Pero hindi lang pagpapatawa ang ginawa dito ni Jen dahil maging sa mga crying scenes niya ay mahusay siya.
Sa totoo lang, we give her a perfect 10 sa kanyang acting dito.
Si Sam naman, pa-cute ang karamihan sa mga scenes niya and in fairness, ang gwapo niya sa pelikulang ito lalo na sa mga eksena nila ni Jen sa New York.
Nagsimula na ang showing ng The PreNup kahapon, October 14. Under Regal Entertainment, the movie is directed by Jun Robles Lana.
Albie damay sa kabaitan ng JaDine fans
Sobra ang pasasalamat ni Albie Casiño sa ABS-CBN sa pagbibigay sa kanya ng teleseryeng On The Wings of Love. Simula kasi nang mapanood siya sa serye bilang si Jiggs, talagang unti-unti nang umangat muli ang kanyang career at ngayon ay tinatawag nang Pambansang Bully.
Napaka-effective ni Albie sa kanyang role bilang kontrabida sa pagmamahalan nina Clark (James Reid) at Leah (Nadine Lustre) to the point na galit na galit sa kanya ang fans.
Pero say ni Albie, mas nagagalit sa kanya ang mga tao ay mas natutuwa siya dahil ibig lang daw sabihin nito ay nagagawa niya nang tama ang kanyang trabaho.
Hindi rin siya bothered na baka ma-bash siya ng JaDine fans dahil on the contrary, ang mga ito pa raw ang nagtatanggol sa kanya kaya nagpapasalamat siya sa mga supporters ng dalawa.
- Latest