Ate Vi gagawing banal na lugar ang Batangas!
Masaya si Governor Vilma Santos sa recent developments na nangyayari sa Batangas lalo na pagdating sa simbahan. Hindi lamang naideklara nang isang national shrine ang simbahan ni Santo Padre Pio sa Batangas, ngayon nagbigay na ng pahayag ang Arsobispo ng Lipa, Romeo Arguelles na may katotohanan at maaaring pormal nang simulan ang debosyon sa Mahal na Birhen, Mediatrix of all Graces na sinasabing nagpakita sa kumbento ng mga Carmelita sa Lipa noong 1948.
Sa initial investigation ng simbahan noong araw, sinabi nilang hindi totoo iyon. Pero sa pagsisikap ng mga deboto na nakasaksi sa mga himala, nabuksang muli ang usapan at ngayon nga nagsalita na ang mismong arsobispo na pinaniniwalaan niya ang mga pangyayaring iyon.
Kung natatandaan ninyo, isa iyan sa mga ipinagdadasal din ni Ate Vi noong araw pa, kaya binuhay nga niyang muli iyong isinasagawang fluvial procession, o ang paglilibot ng imahen ng Birhen sa Taal Lake kung birthday ng Virgin Mary tuwing September 7.
Bahagi iyan ng gusto niyang maging religious pilgrimage sa Batangas na magsisimula sa Katedral ng San Sebastian sa Lipa, ang pinakamalaking basilica sa buong Asya na makikita sa Taal kung saan naroroon naman ang Birhen ng Caysasay, sa kumbento ng mga Carmelita sa Lipa rin kung saan sinasabi ngang nagpakita ang Birhen noong 1948, sa Alitagtag, Batangas kung saan sinasabing naroroon ang isang mapaghimalang krus, at iyon ngang simbahan ni Santo Padre Pio.
Sinasabi nga ni Ate Vi, na mabuti iyan hindi lamang dahil sa spiritual benefits, kung di makatutulong din naman sa mga taga-Batangas lalo na kung magiging dahilan ng turismo sa buong lalawigan nila. Malapit nang matapos ang pagiging governor ni Ate Vi, pero sinasabi nga niya na hindi naman doon natatapos ang kanyang pagtulong sa probinsiya nila. Isa nga sa ine-endorso niya iyang religious pilgrimage sa buong Batangas, na magagawa hindi lamang kung panahon ng mahal na araw kung di buong isang taon.
Marami kaming narinig na kuwento tungkol sa milagro sa Lipa, mula sa mga matatandang pari at maging mga obispong nakausap namin noong araw pa, at naniniwala rin kami na iyan ay totoo.
Pastillas Girl wrong move... Mga itinatapat kay Yaya Dub, nagmumukhang timawa lang!
Bagama’t tama nga siguro na maghanap ka ng pantapat sa kakumpitensiya mo, pero palagay namin malabong move iyong hanapan mo ng katapat ang isang malakas na star. Kagaya noong sinasabi naming mahirap mo sabayan ngayon si Daniel Padilla, masasabi rin naming malaking kalokohan na tapatan mo sa ngayon si Maine Mendoza aka Yaya Dub. Mamumukha lamang timawa ang itatapat mo. Papaano mong sasabayan ang isang personality na nakakakuha ng mahigit na anim na milyong internet posts sa isang araw lamang?
Ang dapat hintayin ay kung medyo ma-over expose na si Yaya Dub, kung pagsasawaan na siya ng fans at saka ka maglabas ng bago. Pero hanggang ganyan kainit ang kanyang popularidad, naku sayang lang kahit na ano ang gawin ninyong pantapat.
Ang dapat din sana, makapag-offer ang kalabang show ng ibang alternative, hindi naman iyong puro pakilig lang. Kung magagawa nila iyon, baka makuha naman nila iyong mga taong hindi mahilig magpakilig. Pero kung makikipagsabayan ka sa market laban sa isang star na masasabing may strong footing na ngayon sa audience, suicide lang iyang gagawin ninyo.
Parang hindi pa ito ang panahon para tapatan si Yaya Dub.
- Latest