Parang bagoong na umaalingasaw... Mga kalokohan ni Enrique, unti-unti nang naglalabasan?!
Lalong umiinit ang usapan tungkol kay Enrique Gil. Nagsimula sa blind items tungkol sa isang controversy na nangyari sa eroplano, ngayon ay tinutukoy na ang mga pangalan ng mga taong involved pati ang mga diumano ay naging dahilan kung bakit nagkaroon ng ganoong gulo.
Ang masama talaga, hindi lang ngayon nagkaroon ng mga ganyang usapan. Marami na ring ibang naunang blind items tungkol kay Enrique na sinasabing dahil sa kalasingan.
Palagay namin dapat mag-ingat na si Enrique, lalo na ngayong nagkakapangalan na siya. Sinuwerte rin naman siya at nag-rate ang isang ginawa niyang serye, hindi niya dapat na sirain ang kanyang image dahil lamang sa mga pangyayaring ganyan. Natural pinagsisikapan nilang itago kung ano man ang hindi magandang nagagawa ng kanilang mga artista. Aminado kami na ginagawa rin namin iyan kahit na noong araw, pero ano mang tago ang gawin mo, lalabas at lalabas din iyan. Ang biruan nga namin noong araw pa, parang bagoong iyan eh. Kahit na papaano mo itago maaamoy din.
Sa panahong ito, bukod sa mga diyaryo at telebisyon, nariyan ang social media na madalas na nagiging source ng mga balita. Noong araw, kakaunti lang ang may access sa media. Ngayon iyong mga nakakasalubong ninyo sa kalye, nakakasabay ninyo sa sasakyan, iyong mga nakakakita sa inyo sa mga restaurant at mga watering holes, malamang sa hindi may social media account iyan. Basta nag-post iyan sa social media, multiplied by a thousand times na agad iyan. Kasi iyong mga friends and followers nila, tiyak na ikakalat din ang tsismis. Doon talo ang mga artista.
Kung minsan matatawa ka, kasi artista rin ang naglalabas ng baho ng kapwa niya artista.
Nakakahinayang si Enrique kung masisira lang siya nang masisira sa mga ganyang klaseng balita. Kailangan natin ng mas maraming artista na maaaring umangat nang husto, para hindi iyang lagi na lang si Daniel Padilla at iyang AlDub ang pinag-uusapan. Hindi rin naman maganda para sa industriya kung magkakaroon sila ng monopoly. Kaya sana iyong mga sinusuwerte namang kagaya ni Enrique ay matuto sa buhay.
Arron nakakaarte, big break ang kailangan
Inaamin namin, una lang naming napansin ang akting ng aktor na si Arron Villaflor noong mapanood namin siya sa special screening ng All Of Me. Iba kasi iyong napapanood mo sa big sceen eh, dahil naka-focus doon lamang ang iyong attention. Kung sa TV ka lang nanonood, chances are tutunog ang telepono mo at makikipag-usap ka, o may ginagawa kang iba kasabay ng panonood ng tv, o may kakuwentuhan ka, kaya maraming mga bagay na hindi mo napapansin. Matapos naming panoorin ang screening na iyon, nasabi namin magaling palang aktor si Arron Villaflor.
Noong isang araw naman, inabot kami ng malakas na ulan sa isang mall. Kaysa masayang ang oras namin, nagtanong kami sa takilyera, anong sinehan ba ang pinakawalang tao, dahil ayaw naming pumasok kung masikip. Inirekumenda sa amin ng takilyera iyong Heneral Luna, dahil sabi niya, “iyang mga ganyang pelikula sir hindi masyadong pinapasok ng tao”.
Tama siya, nang magsimula ang pelikula hanggang sa matapos iyon, ang bilang ko labindalawa lang kaming lumabas sa sinehan. Pero sa totoo lang mahusay ang pelikula ha. Kahit na sa simula sinasabi nilang hinaluan iyon ng fiction, makatotohanan ang pagkakalarawan lalo na sa pagpaslang ng mga sundalong taga-Cavite kay Heneral Luna. Pati na ang detalyeng nagtanong pa ang nanay ni Emilio Aguinaldo mula sa bintana na “nagalaw pa ba iyan”.
Pero sa pelikulang iyon, kasali rin pala si Arron Villaflor, at nang mapanood namin iyon, lalo kaming nakumbinsi na isa nga siyang magaling na aktor. Mas malaking break lang ang kailangan.
- Latest