Sobrang sikat na talaga Yaya Dub pinag-interesan kahit ng mga news reporter!
Hindi namin masasabi kung ilang tao ang nanonood sa kanila, pero noong Sabado ng tanghali, ang halos lahat ng makausap namin, at maging ang mga kaibigan namin sa social media ay nagsabing naghihintay sila sa TV kung matutuloy ang kasal ni Yaya Dub.
Noong mahimatay si Yaya Dub, ang akala namin talagang iyon ang kuwento para hindi matuloy ang kasal, iyon pala natuluyan siya talaga, at ang buhat na iyon sa kanya, tuluy-tuloy na sa Cardinal Santos Hospital. Bagsak siya dahil sa fatigue, dahil noong umaga pa raw ay busy na sila sa paghahanda at inamin naman ni Maine Mendoza, o Yaya Dub na ni hindi niya nainom ang kanyang mga gamot, palagay namin kaya iyan bumagsak dahil hindi rin nakakain nang tama noong umagang iyon. Pero matapos naman daw magpahinga sandali ay ok na siya, kaya tuloy ang serye.
Doon sa pangyayaring iyan, ang talagang masasabi mong mahusay ay sina Jose Manalo at Wally Bayola. Isipin ninyong naka-adlib sila agad para maituloy ang istorya sa kabila ng biglang pagkahimatay nga ni Yaya Dub. Pero ganoon talaga ang mga tunay na comedian eh, magaling sila sa adlib. Basta hindi marunong mag-adlib, kagaya noong mga comedian na umaasa lamang sa scripts nila, walang kuwenta iyan.
Talagang sikat si Yaya Dub, dahil hanggang sa ospital ay sinundan siya ng media. Siguro nga kung nagtagal pa siya sa ospital baka kailangan na rin nilang maglabas ng medical bulletin tungkol sa kanya para hindi na magulo ang kanilang ospital. Pero ang kuwento sa amin, nakaalis na si Yaya Dub, may nagdadatingan pang mga reportes, incidentally mga news correspondent ang mga iyon at hindi mga showbiz writers, dahil para sa kanila ay sikat si Yaya Dub at anuman ang mangyari sa kanya ay isang malaking istorya.
Kaya ngayon nga ang tanungan ay sino ba ang nagdadala diyan sa Aldub, si Alden Richards o si Maine Mendoza? Ewan ha, hindi kami kani-kanino, pero matagal na si Alden. Napapansin naman siya pero hindi ganyan katindi. Nang lumabas si Maine bilang Yaya Dub, nag-click iyon nang husto. Sa inyong opinion ngayon, sino ang nagdadala?
Kaso ni Ozu Ong, kailangan ng malaking reward para malutas
Nailibing na ang singer na si Ozu Ong, at ngayon ay sinasabi ngang ang reward sa makapagtuturo kung sino ang mga pumaslang sa kanya ay itinaas na sa tatlong daang libong piso. Nakita nga sa CCTV pero walang makilala eh.
Noong una, simpleng kaso lang ng carjacking ang sinasabing motibo. Tapos ngayon ang sinasabi ay baka may kinalaman sa negosyo niyang multi-level marketing. Lahat ng ispekulasyon ay magagawa mo, kaya lang may mahuhuli ba talaga sa mga suspects? Kailangang imbestigahan nang husto iyan para malaman kung ano ang talagang posibilidad. Pero siguro nga, ngayong 300 thousand na ang reward, may magkaka-interest nang tutukan ang kasong iyan.
Hindi namin talaga maintindihan kung bakit dito sa atin, kailangang magbigay ng reward para mahuli ang mga criminal. Basta walang reward, mukhang walang gustong kumilos. Nasaan na nga ba ang hustisya sa ating bayan? Papaano kung ang biktima ay walang kakayahang makapagbigay ng reward money? Iyon ang puna lang namin diyan sa kasong iyan.
Kailangan ba talaga ang ganoon kalaking reward para malaman kung sino ang mga pumatay kay Ozu?
- Latest