Big boss ng GMA tameme pa rin sa P1 billion na ‘kinita’ kahit nakademanda na?!
Siguro nga ang masasabing pinakamalaking issue sa ngayon sa entertainment ay ang pagdedemanda ni Ramon Ang ng San Miguel Corporation kay Felipe Gozon ng GMA-7 ng syndicated estafa, dahil diumano sa hindi pagsasauli ng GMA-7 ng kanyang downpayment na isang bilyong piso matapos na hindi sila magkasundo sa bilihan ng minority shares ng network. Nakalagay daw sa kanilang kasunduan na ilalagak ni Ang ang isang bilyong pisong downpayment na hahawakan ni Gozon “in trust”, pero isasauli iyon sa loob ng tatlong araw kung hindi sila magkakasundo sa bilihan.
Nag-announce na ang GMA-7 na hindi na matutuloy ang bentahan, pero sinabi ni Ang na pagkatapos ng failure in negotiations, hindi ibinalik ang kanyang downpayment.
Maitatanong ninyo, sa mga hindi sanay sa mga ganyang negosasyon, bakit naman siya nagbigay ng isang bilyong piso agad? Nangyayari po iyan sa mga malalaking transaksiyon, upang makasiguro naman ang nagbebenta na hindi sayang ang kanilang oras at ang nag-aalok na bumili ay may kakayahan talagang bilhin ang kanilang stocks. Hindi puwede iyong makikipag-negosasyon ka ng hindi naman sigurado, ang kanila lang ay dapat talagang interesado kang bumili at may pambili ka. Pero iyon nga, kailangang hawakan nila iyon “in trust” at hindi gagamitin ang pondo sa anumang dahilan, para kung hindi magkasundo ay maisasauli iyon sa nag-deposito.
Ayaw naming gumawa ng ispekulasyon, pero ang sinasabing “misappropriation” na sinasabi ay maaaring “nagamit ng network ang pera kaya hindi maibalik agad”.
Sinasabi rin nilang nangyari na rin iyan noong una, nang balak namang bilhin ng Metro Pacific Investment Corporation ang minority stocks ng GMA. Nagbigay din sila ng down na isang bilyong piso na diumano ay hindi rin naibalik at itinuloy ang negosasyon kahit na may failure of talks na. Marahil ang nangyari roon ay pinalabas na loan na lang sa network, pero iba ang ginawa ni Ang. Nagdemanda siya.
Hindi rin niya isinama ang grupo ni Duavit at ni Jimenez, dahil sinasabi niyang nagpahayag naman ang grupo ng mga iyon na isasauli nila ang kanilang naging bahagi sa pera. Tanging si Gozon at ang ibang stockholders sa grupo niya ang isinangkot sa demanda.
Hindi pa nagbibigay ng comment si Gozon, dahil sabi nga nila, wala pa naman silang natatanggap na kopya ng demanda, pero sasagutin nila iyan in due time. Kung sabihin nga ni Lola Nidora, “sa tamang panahon”.
Dawn at Goma pareho ang naging kapalaran
Dahil sa kanilang pelikulang Love Affair, nauungkat pa ngayon pati na ang naging relasyon nina Dawn Zulueta at Richard Gomez noon. Noon kasi, talagang marami ang naniniwala na sila na.
Pero hindi man sila nagkatuluyan, masasabi nga sigurong pareho naman sila nagkaroon ng magandang buhay. Pareho naman silang naging successful sa kanilang love life at sa kanilang family life. Dalaga na ang anak nina Goma at Congresswoman Lucy Torres Gomez. Labing walong taon nang mag-asawa at dalawa na ang anak nina Dawn at Congressman Anton Lagdameo.
Ang biruan pa nga, isipin ninyo, pareho pang kinatawan sa kamara ang kanilang naging asawa.
Kung iisipin mo nga naman, parang nagbibiro ang tadhana, dahil parang pareho sila ng naging kapalaran matapos ang kanilang split. Pero pareho ngang sinasabi nina Dawn at Goma, pagkatapos naman ng kanilang affair noong araw ay naging magkaibigan pa rin sila.
- Latest