Foreign artists na nagko-concert dito sa Pinas, hindi pinag-iinitan ng BIR?!
Noong isang araw ay dumating sa bansa at nagkaroon ng performance ang dating member ng grupong F4 na si Vaness Wu. Pero iyan ay bahagi yata ng promo ng isang produkto. Sumikat iyang si Vaness Wu dito sa ating bansa nang ipalabas sa telebisyon ang isang seryeng kanyang ginawa, iyong Meteor Garden.
Hindi pupunta iyang si Vaness Wu dito sa Pilipinas kung biru-biro lang ang kanyang tatanggaping talent fee. Mapapansin ninyo, dumating siya sa mismong araw na ng kanyang concert at umalis din naman agad. Ibig sabihin busy siya. Usually ang gusto ng isang artist ay may pahinga naman siya bago ang performance, pero sa kaso ni Vaness Wu, wala na siyang oras. Para gawin niya iyan, malaki ang bayad sa kanya.
Hindi lang si Vaness Wu, bago siya may isa pang boy band na nagkaroon ng concert. Sa nakita nating katotohanan na iyon palang si Chris Brown ay binayaran ng isang milyong dolyar, na siguro hindi na nga natin malalaman kung hindi lang nagkademandahan, iniisip na rin natin magkano kaya ang ibinabayad sa iba pang foreign artist na kagaya ni Vaness Wu, kahit na nga sabihing hindi naman siya kasing sikat ni Chris Brown.
Ang susunod na tanong namin ay sinisingil ba ng tax ng ating gobyerno ang mga artist na iyan na walang dudang kumikita nang napakalaki sa Pilipinas? Kasi iyong mga artists natin basta nasa abroad, pinagbabayad sila ng tax doon, bukod pa nga sa nagbabayad sila sa union para makapag-perform doon. Dito sa atin, supposed to be ay may ganyan ding usapan sa Original Pilipino Music (OPM), pero palagay namin nakakasingil lang sila sa mga kakilala nila. Mas marami silang hindi nasisingil. At saka iyang Bureau of Internal Revenue (BIR) na napakahigpit sa tax ng mga Pinoy, nasisingil ba nila ang mga dayuhang kumikita sa atin?
Magaling na ang asawa’t anak, Boyet masigla na uli
Mukhang masaya at masigla na ang kilos ni Boyet de Leon nang makita namin sa press launch ng Beautiful Strangers, at siguro may dahilan naman kung bakit. Isang malaking relief para sa kanya iyong lumabas at naka-recover na sa sakit na cancer ang kanyang anak na si Miguel, at mabuti na rin naman ang kalagayan ng kanyang asawang si Sandy matapos sumailalim sa kidney transplant.
Noon talagang halata mong problemado si Boyet. Mahirap iyong may sakit sa iyong pamilya, at hindi basta-bastang sakit ang cancer. Sinasabi ng marami na basta cancer, mahirap sabihing makakabawi pa. Pero salamat na rin sa makabagong medisina, at siyempre lalo na sa tulong ng Diyos, talagang napakabilis na nakabawi ang asawa’t anak ni Boyet.
Natatandaan namin kung gaano kalungkot noon si Boyet habang nagkukuwento na ang kanyang asawang si Sandy na may sakit nga rin, ay kailangang manatili sa US dahil sa kanilang anak na mas malubha ang sakit. Si Boyet naman, kailangang umuwi rito sa Pilipinas dahil kailangang magpatuloy naman ang buhay ng kanilang pamilya. Hindi naman puwedeng pabayaan nila ang iba nilang mga anak at ang iba pa nilang responsibilidad. Sa ganoong sitwasyon talagang mahihirapan ka.
Pero ganoon nga, hindi nawala ang tiwala ni Boyet at ng kanyang buong pamilya sa Diyos, at nagsikap din naman silang malalampasan ang kanilang mga dinaanang problema. Nagtagumpay naman sila. At ngayon nga sinasabi ni Boyet na mas makakapag-concentrate na nga siya sa kanyang trabaho bilang isang actor, wala na kasi siyang malaking problemang kailangang intindihin.
Salamat naman sa Diyos at tapos na ang lahat ng problema.
- Latest