Rescue5 aalalay sa mga magbibiyahe ngayong Semana Santa
MANILA, Philippines - Kasabay ng pagdagsa ng libu-libong magbibiyahe patungo sa mga iba’t ibang probinsya ngayong darating na Semana Santa, walang patid ang pangunguna sa pag-alalay sa publiko ng Rescue5, ang tanyag na Emergency Response Unit ng TV5, na siyang maglulunsad ng 24-hour Gabay Biyahe stations sa mga bus terminal at expressway.
Simula March 30 (Lunes Santo) hanggang April 2 (Huwebes Santo), matatagpuan ang Gabay Biyahe station sa Araneta Center Bus Terminal. Kasabay nito, mula April 1 at 2, nasa Shell gasoline station sa Balagtas, Bulacan- North Luzon Expressway naman ang pwersa ng Rescue5.
Buong-araw at buong-magdamag magbibigay ng iba’t ibang libreng serbisyo tulad ng first aid at pagpapasuri ng blood pressure, libreng tawag at charging ng electronic devices sa tulong ng Smart Communications Inc. (Smart) at ng One Meralco Foundation. Mayroon ding libreng inuming tubig hatid naman ng Maynilad. Katuwang din ng Rescue5 ngayong Semana Santa ang Araneta Center, Pilipinas Shell at ang Radyo5 92.3 News FM.
Bilang paalala naman sa publiko na maging maingat sa pagbiyahe, mapanonood at mapakikinggan ang Aksyon sa Kalsada road safety plugs ng Rescue5 araw-araw sa TV5, Aksyon TV at Radyo Singko 92.3 News FM.
“Bukod sa pagbibigay ng mahahalagang tips para sa ligtas na biyahe, nakahanda rin kaming rumesponde sa ating mga Kapatid na mangangailangan ng agarang tulong,” ani TV5 Public Service Head Sherryl Yao.
Para sa anumang emergency, tumawag sa Rescue5 hotline 9225155, mag-post sa Twitter account: @RESCUE5PH at Facebook page:www.facebook.com/RESCUE5PH.
- Latest