Sen. Bong nakaraos ang Valentine kahit nasa kulungan
MANILA, Philippines - Dinalaw namin si Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa PNP Custodial Center at kinumusta ang kanyang Valentine’s Day. Hindi namin nakuha ang sagot kung paano niya ipinagdiwang ang Araw ng mga Puso. Si Cavite Congresswoman Lani Mercado at ngayon ay tatakbong Mayor ng Bacoor ang nagbigay ng info sa amin.
“Si Bong laging sweet sa akin. Noong gabi ng February 14, binigyan niya ako ng mahigit isang dosenang red roses. Ito ang first Valentine’s Day namin dito sa kulungan. Walong buwan na si Bong dito. Mas gusto ko na ditong manatili si Bong kaysa ‘yung plano na ilipat siya sa Bicutan.”
Itong si senador naman, kahit nasa kulungan pala ay aware sa nangyayari sa mundo, lalo na sa ‘Pinas. Gaya nga sa nangyari sa Fallen 44 kamakailan, ‘yung ating mga pulis na namatay sa engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao. Para kay Sen. Bong dapat managot dito ang MILF.
“Kailangang ipakita ng MILF ang kanilang sinseridad sa usaping pangkapayapaan. Ang estado ang may kapangyarihan dito sa bayang ito at hindi kung sinu-sinong grupong armado. Hindi tayo habambuhay na maghihintay kung kailan konbinyente para sa MILF na ibalik ang armas at isuko ang mga kriminal nilang kasamahan.”
Ayon pa kay Bong, nirerespeto niya ang internal investigation na isinasagawa ng MILF, pero para sa kanya, “Hindi sila ang dapat magdikta ng timeline kung kailan nila gustong tapusin. Mananatiling nakaluksa ang bayan kung patuloy na makikipagmabutihan ang gob-yerno sa mga pumatay sa ating mga bayaning pulis,” pagtatapos ni Sen. Bong na honorary member ng PNP-SAF.
Paano nga pala siya naging honorary member ng PNP-SAF, bigla naming tanong kahit na tapos na ang interbyu. Sabi niya, “Alam mo noong active pa ako bilang Chairman ng Videogram Regulatory Board (VRB) na ngayon ay Optical Media Board (OMB) na, sila ang mga kasama ko sa operation, ‘yung mga PNP-SAF na ‘yan, kaya masakit sa akin talaga ang nangyari.” (ROLAND LERUM)
- Latest