TJ Manotoc at Boom Gonzales ihahatid ang mga latest sa NBA All-Star Weekend
MANILA, Philippines - Magsasama ang ABS-CBN Sports at ABS-CBN Sports + Action sa paghahatid ng aksyon mula sa Brooklyn, New York, at pagpapalabas ng live ng NBA All-Star Weekend 2015 na pangungunahan ng BBVA Compass Rising Stars Challenge, State Farm All-Star Saturday Night at ng mismong All-Star Game mula Pebrero 14 hanggang 16 sa Channel 2 at ABS-CBN Sports + Action Channel 23.
Sisimulan ng BBVA Compass Rising Stars ang pagpapasiklab sa pinakahihintay na All-Star Weekend sa pamamagitan ng pagtatampok ng bente sa mga premier rookies at sophomores ng liga na pinili ng mga assistant coaches ng bawat komperensiya. Gagamitin dito ang bagong format na USA vs. World.
Pangungunahan ng Rookie of the Year ng nakaraang taon na si Michael Carter-Williams ang koponan ng USA na kasa-kasama sina Mason Plumlee, Victor Oladipo at Elfrid Payton. Ang koponan naman ng World ay ibabandera ng top 2014 Draft pick na si Andrew Wiggins at kasama naman niya ang mga tulad nina “Greek Freak” Giannis Antetokounmpo at Nikola Mirotic. Ang US team ay iko-coach ni Alvin Gentry ng Golden State Warriors habang ang World naman ay hahawakan ni Kenny Atkinson ng Atlanta Hawks.
I-eere ito ng live sa ABS-CBN Channel 2 kasama ang komentaryo nina TJ Manotoc at Boom Gonzales.
Samantala, sa ikalawang araw naman ng pagpipiyesta (Sabado) gaganapin ang iba’t ibang side events tulad ng Degree Shooting Stars, Foot Locker Three-Point Contest, Taco Bell Skills Challenge at ng Sprite Slam Dunk contest. Ang unang dalawang araw ay lalaruin sa bahay ng Brooklyn Nets na Barclays Center.
Ipapalabas naman ang State Farm All-Star Saturday Night sa ABS-CBN Sports + Action sa Channel 23 at muli, magbibigay ng blow by blow commentary si TJ Manotoc at Boom Gonzales.
At sa huli, magtitipun-tipon ang mga batikang manlalaro ng bawat komperensiya para sa ika-64 na bakbakan ng East at West sa All-Star Game na gaganapin sa tahanan ng New York Knicks na Madison Square Garden. Pangungunahan ni LeBron James, Carmelo Anthony, Pau Gasol, at mga bagitong sina John Wall at Kyle Lowry ang East habang sila Anthony Davis, Marc Gasol, Stephen Curry at Blake Griffin naman ang bibida para sa West. Ito ay mapapanood sa ABS-CBN Sports + Action ng live sa Pebrero 16, Lunes.
- Latest