Wala pa rin makatatalo sa Teen King, kahit ano’ng paninirang gawin, Daniel hindi pa rin mapabagsak
Ang nakatawag sa aming pansin noong isang gabi sa ABS-CBN ay iyong kanilang plugs tungkol sa bagong serye sa telebisyon nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, na sisimulan sa 2015.
Sa nakikita namin, hindi pa rin natitinag ang popularidad noong dalawa, lalo na nga si Daniel. Inulan na ng kung anu-anong paninira si Daniel pero sa tingin namin siya pa rin ang number one, at mukhang wala pang mailalaban sa kanya sa ngayon. Aywan pero hindi namin ma-feel na may makakalaban siya kahit na sinasabing may ibang sumisikat daw.
Si Kathryn, ok lang naman dahil magaling siyang artista. Pero sana huwag na siyang piliting kumanta pa. Tama na iyong sikat siyang artista.
Atty. Acosta bilib sa kakayahan ng showbiz writers
Nagulat kami sa sinabi ni PAO Chief Persida Acosta na naniniwala siyang malaki ang nagagawa ng entertainment press, hindi lang para sa entertainment kundi para sa iba pa. Kasi sabi nga niya, mukhang mas binabasa ng mga tao ngayon ang mga entertainment pages kaysa sa ibang pahina.
Ang paniwala naman namin, kanya-kanyang hilig iyan at marami rin namang nagbabasa sa ibang pahina ng diyaryo, lalo na nga ang mga balita at sports, siguro marami lang talaga ang mahilig sa entertainment sa mga nakakasama ni Atty.Acosta, kasi isa na rin siyang TV personality ng TV5.
Anyway, ang paniwala niya, may mga kaso siyang mabilis na inaksiyunan ng korte matapos na mailapit niya at mapag-usapan sa mga entertainment pages. Nagbibiruan nga kami, baka natakot ang mga mahistrado na matsismis pa sila kaya mabilis na umaksiyon.
Inilapit naman ni Atty. Acosta sa entertainment press si Cadet Aldrin Jeff Cudia. Natatandaan pa ba ninyo iyong kadete ng PMA na dapat top sa class niya, pero dahil sa ilang problema ay hindi pina-graduate ng PMA? Nilagyan pa ang kanyang mga records ng “granted indefinite leave”, kaya ni wala siyang magawa sa buhay niya ngayon. Hinawakan ni Atty. Acosta ang kasong iyan laban sa superintendent ng PMA. Ngayon nasa korte suprema na iyan.
Pero may nagtanong nga, hindi ba magandang pelikula ang buhay ni Cadet Cudia? Hindi ba sa US maraming hit na pelikula na ang istorya ay ang mga pangyayari sa military academy? Ano ang malay ninyo kung maging hit ang buhay ni Cudia?
Pero sabi nga ni Atty. Acosta, sa ngayon wala munang magagawang kahit na ano si Cadet Cudia, kahit na isapelikula pa ang kanyang buhay. Kasi nga may kaso pa sila sa korte suprema, pero naniniwala siya na magiging magandang pelikula nga iyon kung sakali, lalo na at pagkatapos nilang manalo sa kanilang kaso.
Paniwala rin namin, puwedeng gawing pelikula ang kuwentong iyan.
Malikot kasi kahit sa mga bading! Male star-model bantay-sarado ng kapapanganak na misis
Laging bantay sarado ang isang male star-model ng kanyang misis na kapapanganak pa lang. Kilala rin kasing medyo “malikot” ang male star na iyan kahit na noong araw pa. Iyong kalikutan niya ay hindi lang sa mga chicks, mukhang ganoon din sa mga bading.
Kaya tama lang na maging bantay sarado si misis, pero nagiging issue iyon sa mga bading sa isang network. Bakit kaya?
- Latest