Lani Misalucha sasamahan ni Arnel Pineda sa La Nightingale
MANILA, Philippines – Magaganap na ngayong Sabado (Disyembre 6) sa Araneta Coliseum ang inaabangang La Nightingale return concert ng Asia’s Nightingale na si Lani Misalucha. Mistulang dadalhin ni Lani ang Las Vegas sa Big Dome dahil sa tindi ng kalidad ng programa at higanteng sorpresang inihahanda niya. Bukod sa kanyang Cirque du Soleil production number, kaabang-abang rin ang mapusong pag-awit ni Lani ng kanyang timeless hits at kahanga-hangang bersyon niya ng international classic ballads at mga patok na kanta ngayon.
Makakasama ni Lani sa kanyang concert sina Arnel Pineda, Jed Madela, G-Force at iba pang surprise guests.
Tampok din sa La Nightingale concert ang musika ng ABS-CBN Philharmonic Orchestra sa pamumuno ni Maestro Gerard Salonga. Si Paul Basinillo ang stage director ng concert, samantalang si Louie Ocampo naman ang musical director.
Sa ilalim ng produksyon ng ABS-CBN Integrated Events at Star Event, ang tickets para sa La Nightingale concert ay nagkakahalaga ng P6,225 (VIP); P4,770 (Patron A); P3,180 (Patron B); P1,275 (box); P795 (upper box); at P480 (general admission). Mabibili na ang tickets sa opisina ng Smart Araneta Coliseum at sa Ticketnet outlets sa buong bansa. Maaari ring tumawag sa Ticketnet hotline na 9115555 o mag-log on sa Ticketnet.com.ph.
Taga-marinduque na may lason sa katawan kikilalanin sa RN
Sa Barangay San Isidro sa bayan ng Sta. Cruz, Marinduque, nakilala ng Reporter’s Notebook ang mangingisdang si Wilson Manuba, 43 taong gulang. Putol ang dalawa niyang paa at puro sugat naman ang kanyang mga kamay. Ayon kay Wilson, nagsimula sa isang sugat ang kanyang kondisyon na lumala nang pasukin ito ng lason mula sa Calancan bay kung saan siya nangingisda. Sa mismong pag-aaral na isinagawa ng National Bureau of Investigation noong taong 2000, positibong may lason sa katawan ni Wilson.
Sa Calancan bay kasi naunang nagtapon ng mine tailings o latak ng mina ang kumpanyang Marcopper Mining Corporation. Mas pinalala pa ito nang maganap ang isa sa mga pinakamalalang mining disaster sa bansa, ang pagbulwak ng mine tailings ng Marcopper sa Boac at Makulapnit River noong 1996. Nawalan ng kabuhayan ang maraming residente dahil sa lason sa yamang-tubig ng Marinduque. Pero ang mas malungkot, maraming residente gaya ni Wilson ang patuloy na pinagdurusahan ang epekto ng lason sa tubig. Halos dalawang dekada na ang nakararaan, wala pa ring nananagot sa nasabing trahedya.
Sa kabila ng kanyang kalagayan, patuloy sa pangingisda si Wilson. Hirap man, pilit niya itong kinakaya para may makain at mairaos ang araw-araw. Pero ano nga ba ang naghihintay para sa kanya at sa iba pang naging biktima ng isa sa pinakamalaking trahedya ng pagmimina sa bansa?
Samahan sina Jiggy Manicad at Maki Pulido sa Reporter’s Notebook sa Huwebes, 4:25 ng hapon pagkatapos ng Ang Lihim ni Annasandra sa GMA7.
- Latest