Pacman tinantanan na ang concert pagkatapos ng laban
Tulad sa inaasahan, panalo na naman ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao at dahil siya ay isang singer at artista rin, natural maging ang mga entertainment programs sa TV ay siya na naman ang pinag-uusapan. This time, mabilis lang ang kanyang pag-uwi. Kahapon ay nagbalik na siya sa Pilipinas at siyempre sinalubong na parang isang hero sa GenSan.
Dahil sa alanganin nga sa araw ang kanyang pagbabalik, hindi nagawa ngayon ang nakaugalian na niyang concert matapos ang kanyang panalo. Sinasabi nga nila, hindi na rin kagaya noong una na showbiz na showbiz ang kanyang dating, ngayon ay hindi na nga masyado dahil siguro napagtanto na rin naman niya at maging ng kanyang network na iba talaga ang fans ng sports personalities.
Sa kabila ng kasikatan ni Pacman bilang boksingero at ngayon bilang isang basketball coach at player din, hindi pa siya nakagawa ng isang pelikulang matatawag na malaking hit o isang recording na nakasira ng record sales bagama’t kumita rin naman ang kanyang mga pelikula at album.
Marami na ring mga boksingerong nagtangkang mag-showbiz. Kung natatandaan pa ninyo, kabilang diyan si Gabriel Flash Elorde, Anthony Villanueva, Onyok Velasco at si Pacman nga, pero parang naging novelty lang ang participation nila sa mga pelikula, hindi masasabing naging career nga nila iyon.
Iba talaga ang taste ng mga fans sa show business. Mayroon talagang sinasabing iyong tipo ng artista na nagugustuhan nila. Hindi dahil sumikat ka na sa ibang field, puwede ka na ring artista.
Hindi mo rin masasabing hindi kasi sila pogi. Kung natatandaan ninyo noong kanilang panahon ay nag-artista rin sina Sonny Jaworski, Freddie Webb, at Francis Arnaiz na ang dating ay talo pa sa hitsura ang maraming matinee idols. Pero siguro nga, iba talaga ang priority nila kaya hindi rin sila nagtagal sa showbiz. Magkaiba talaga ang market ng sports, iba rin ang showbiz.
Pagkapanalo ng ABS-CBN sa Star Awards hindi choice ng lahat
Sa ika-anim na sunud-sunod na taon, pinili ng movie press na best television station ang ABS-CBN sa ginanap na 28th PMPC Star Awards for TV. Kung sa ibang award iyan, nasa hall of fame na iyan para mapagbigyan naman ang iba, pero kung maglalagay naman sila ng hall of fame, darating ang araw na wala na silang mabibigyan ng award. Ilan lang naman ang networks sa Pilipinas.
Hinakot din ng ABS-CBN ang iba pang awards. May ibang napanalunan ang GMA-7. Mayroon din namang dalawang nakuha ang TV5. May isa pang nakuha ang GMA News TV.
Hindi naman siguro masasabing ang nakagagawa lang nang mahusay na shows ay ang ABS-CBN, pero siguro nga nakagagawa sila ng magandang kumbinasyon ng mga show kaya sila iyong nangingibabaw. Ang pumili naman kasi niyan ay ang movie press, siguro kung mga sports writer, maiiba ang desisyon dahil mas nanonood sila ng basketball sa TV5.
Ganoon lang naman talaga ang mga awards, bukod doon ang sinasabi lang naman ay iyong mga nanalo ang “choice nila”. Hindi naman nila sinasabing ang mga pinapanalo nila ay dapat na maging “choice ng lahat”.
- Latest