MAY PAG-ASA campaign ng GMA News TV ngayong Lunes na
MANILA, Philippines – Gaano man kadilim ang pinagdaraanan, may pag-asa. Ito ang nais ibahagi ng iba’t ibang kuwentong matutunghayan sa GMA News TV MAY PAG-ASA campaign na mapapanood ngayong Lunes ng gabi sa State of the Nation with Jessica Soho.
Ilan sa mga kuwentong ito ay ilalahad mismo ng GMA News TV personalities na may kani-kaniya ring pinagdaraanan at nalampasang pagsubok sa buhay—mga kuwentong layong magbigay ng inspirasyon sa marami.
Sa loob ng pitong taon, araw-araw na ipinanalanganin ni Vicky Morales ang mabiyayaan ng isang anak. Kumunsulta siya sa mga eksperto at maging ang pagsasayaw sa Obando ay hindi niya pinalampas. Sa kabila ng mahabang paghihintay, hindi siya nawalan ng pag-asa. Kaya naman ngayon, masayang-masaya si Vicky ang tatlong supling.
Ngunit hindi lahat ay natutupad ang kahilingan. Gaya ni Vicky, mahabang panahon ding naghintay si Mike Enriquez na mabigyan ng anak. Para sa kanya, marahil daw ay hindi itinakda ng Diyos na magka-anak sila ng kaniyang maybahay na si Baby. Sa kabila nito, naging matibay ang pagsasama nila at ngayo’y 37 taon nang masaya kapiling ang isa’t isa.
Si Jay Taruc naman, halos gumuho ang mundo nang mapag-alamang mayroong Spinal Muscular Atrophy ang bunsong anak na si Sophie. Dahil sa sakit na ito, hindi makapaglakad ang limang taong gulang na bata. Pero, pinipili niyang magpakatatag at sulitin ang bawat sandaling kapiling ang bunso, kasabay ang paniniwalang malulunasan ang sakit nito balang araw.
Dating nagtitinda naman ng sigarilyo sa kalye si Cesar Apolinario habang namamasukan naman sa isang karinderya si Susan Enriquez. Mahirap man ang pinagdaanan nila, sinikap nilang mag-ipon na siyang naging daan upang makatapos sila sa pag-aaral. Ngayo’y kapwa award-winning journalist na ang dalawa.
Si Solenn Heussaff, lumaking kinukutya nang dahil sa kaniyang labis na katabaan. Imbes na panghinaan siya ng loob, ito ang nagtulak sa kaniya upang magpapayat at bigyang importansya ang kanyang pangangatawan. Ngayon, isa na siya sa mga kilalang host at model ng bansa.
Inatake naman sa puso si Mel Tiangco habang si Winnie Monsod ay na-stroke sa gitna ng live taping ng kaniyang programa. Kapwa nakaligtas ang dalawa at ang mga karanasang ito ang mismong nagtulak sa kanila na lumaban para mabuhay, hindi lamang para sa kanilang mga sarili, kundi para sa kani-kanyang mga adbokasiyang isinusulong.
Bukod dito, bibigyang pugay din ng campaign ang kuwento ng bawat Pilipinong may pinagdaraanan, ang kanilang katatagan at ang di matitinag na lakas ng kanilang kalooban na suungin ang kahit anong hirap na may pag-asa sa kanilang puso.
Mapapanood ang MAY PAG-ASA campaign na kukurot sa damdamin ng bawat manonood ngayong Lunes, Nobyembre 17.
- Latest