Mommy Elaine maraming natulungan sa Pasay noon
Nagulat din kami nang mabalitaan naming yumao na si Mommy Elaine Cuneta. Siya ay kinuhang muli ng Diyos noong Miyerkules, Nobyembre 5 sa ganap na 2:05 ng hapon. Siya ay 79 years old na. Sayang at magiging 80 na sana sa December ang nanay ni Megastar Sharon Cuneta at lola ni KC Concepcion.
Si Mommy Elaine nga siguro ang masasabing naging malakas na impluwensiya kay Sharon. Singer kasi si Mommy Elaine noong araw. In fact isa na siyang kinikilalang professional singer noong makilala at patigilin ni mayor sa kanyang pagkanta. Nakalabas din siya sa isang pelikula, ang Bondying noong 1954. Kaya nga masasabing siguro ang pagiging inclined ni Sharon sa pagiging isang singer at artista, at ganoon din si KC ay nagsimula kay Mommy Elaine.
Matagal na rin naman siyang may sakit, at hindi na nga masyadong aktibo kagaya noong araw. Noon si Mommy Elaine ang matiyagang humaharap sa fans na nagpupunta sa kanilang tahanan kung wala doon at nasa shooting si Mega. Kadalasan, magdaratingan ang fans sa kanilang bahay, hihintayin ang pagbabalik ni Sharon mula sa GMA Supershow, at habang wala pa si Mega, si Mommy Elaine ang humaharap sa kanila at tumitiyak na kung ano man ang kanilang kailangan ay maibibigay niya.
Kahit na nga sa entertainment press, malapit si Mommy Elaine. Noong panahong iyon, lagi siyang may Christmas gift para sa lahat, kagaya rin ni Sharon. Noong magkasakit na lang siya at hindi na masyadong aktibo, at saka natigil ang lahat ng iyon.
Natatandaan din namin noong araw, nakaupo pa si Mayor Pablo Cuneta sa Pasay. Si Mommy Elaine ay madalas na nasa Pasay City General Hospital. May office na siya roon. Naghihintay siya ng mga mahihirap na kailangan ng tulong. Madalas ang kuwento niya, basta walang available na gamot na kailangan ng isang may sakit, siya na ang dudukot ng personal niyang pera para mabilis na mabili agad ang gamot na kailangan. Ang sinasabi niya kasi noon, masama sa kanyang loob na malamang may kahit na sinong may sakit ang hindi mabigyan ng tamang atensiyon. Kaya iyon ang kanyang inaasikaso.
May isa pang kuwento na narinig namin tungkol kay Mommy Elaine. May isang babaeng buntis na dumating sa ospital na nakasakay sa kariton. Tinanong niya kung bakit ito nakakariton, eh ang sagot ayaw daw isakay ng tricycle dahil huhulihin ng mga pulis doon sa may kanto ng Libertad. Pinuntahan niya agad iyong mga pulis at kinausap. Sinabi niyang siguro nga ay bawal, pero kung isusugod naman sa ospital, dapat magkaroon sila ng kunsiderasyon at hayaan na. Emergency iyon. Mula noon pinayagan na ang mga tricycle papunta sa ospital ng Pasay.
Noon ngang yumao na si Mayor, nasabi niya sa amin, bukod siyempre kay Mayor, ang nami-miss niya sa Pasay ay iyong ospital na pinagsikapan niyang laging nasa ayos noong kanilang panahon.
Si Mommy Elaine ay nakaburol ngayon sa Sanctuario de San Antonio sa Forbes Park, Makati. Iyon ang kanyang parokya nang mahabang panahon, dahil dati sa Dasma naman sila nakatira talaga. Doon din sa simbahang iyon sila ikinasal ni Mayor Pablo Cuneta noong 1993 matapos ang mahabang panahon ng pagsasama. Iyon ang panahong wala pang annulment, at kahit na sabihin mong hiniwalayan mo na ang asawa mo.
- Latest