Anak nina Dennis at Carlene naaksidente habang sakay ng school bus
Napanood kahapon ni Carlene Aguilar ang CCTV footage ng banggaan ng dalawang school service na nangyari sa Barangay Lourdes, Quezon City.
Nakita ni Carlene sa CCTV footage ang tunay na salarin sa salpukan na ikinasugat ng mga inosenteng bata na sakay ng school service bus.
Inilagay ni Carlene sa kanyang Instagram ang picture ng injuries ni Calix at ang CCTV footage ng bungguan ng mga school bus.
Nagpapasalamat sa Diyos sina Carlene at Dennis Trillo dahil ligtas na sa tiyak na kapahamakan ang kanilang anak na si Calix na kabilang sa mga pasahero.
“Buti na lang at gasgas at bukol lang sa ulo meron ang anak ko.. Sana lang talaga, managot ang mga dapat managot at dapat hindi mabilis magpatakbo ang mga school bus driver dahil may mga pasahero silang mga bata.
“Thank you Lord, safe anak ko pero I’m still praying sa mga batang lubhang nasugatan sa aksidenteng ito,” ang pahayag ni Carlene na nanlumo sa naranasan ng anak nila ni Dennis.
Dapat panagutin ang driver na parang hinahabol ng pitong demonyo ang pagmamaneho. Hindi man lamang niya inisip na mga bata ang kanyang pasahero at kahit mga matatanda ang kanyang sakay, dapat naging maingat ang driver na nararapat na parusahan para matuto ng leksyon.
Tiyak na na-trauma si Calix at ang ibang mga bagets na pasahero ng nagbanggaan na mga school bus.
Hindi ako magtataka kung sakaling tumanggi na ang mga bata na sumakay sa school service bus.
Kung ako man ang magulang ng mga bata na pasahero, hindi ko na ipagkakatiwala sa mga school service bus driver ang buhay ng anak ko.
Hindi puwedeng araw-araw na lang na kakabahan sina Carlene at Dennis sa tuwing sumasakay sa school service bus ang kanilang anak.
(Oo nga po. Bakit ‘di bigyan ng kotse at driver ni Dennis? Dami naman niyang trabaho. Magkakaroon pa sila ng peace of mind. – SVA)
Martin hindi na-miss, Matteo gustung-gusto ng moviegoers
Pare-pareho ang opinyon ng mga dumalo sa premiere night ng Moron 5.2 The Transformation noong Lunes.
Ang sabi ng mga nanood, nangangamoy blockbuster ang sequel ng Moron 5 dahil mas nakakatawa ito kumpara sa original version.
Pinilahan noon sa takilya ang unang Moron 5 at mauulit daw ito sa Moron 5.2 The Transformation na ngayon ang opening day sa mga sinehan.
Si Matteo Guidicelli ang ipinalit kay Martin Escudero sa sequel. Malulungkot si Martin kapag nalaman nito na hindi na-miss ang absence niya sa Moron 5.2 dahil gustong-gusto ng moviegoers si Matteo.
Teka, nasaan na nga pala si Martin? Hindi na siya nararamdaman mula nang layasan niya ang kanyang manager na si Popoy Caritativo.
Gladys INC church ang unang hinahanap pag nasa abroad
Si Carmi Martin ang kasama ni Gladys Reyes nang magbakasyon ito sa South Korea.
Best of friends ang dalawa kaya komportableng-komportable sila sa isa’t isa. Maraming taon na ang ibinibilang ng friendship nina Gladys at Carmi.
Bilib ako kay Gladys dahil nagawa pa niya na magsimba sa Iglesia ni Cristo sa South Korea.
Talagang hinanap ni Gladys ang simbahan ng INC para sumamba. Faithful member si Gladys at maipagmamalaki talaga siya ng kanilang relihiyon dahil kahit saan magpunta, ang simbahan ng INC ang kanyang unang hinahanap at pinupuntahan.
Arnold hindi nagbago ang ugali ayon sa mga kaibigan
Pumatak ng Linggo ang birthday ni Arnold Clavio noong November 2 kaya kahapon lamang natupad ang kanyang birthday treat sa kanyang favorite restaurant, somewhere in Timog, Quezon City.
Wala akong plano na lumabas ng bahay pero hindi ko napahindian ang imbitasyon kahapon ni Igan dahil people that matter lang ang invited guests niya.
In fairness, hindi nagbago ang ugali ni Arnold at ito ang ipinagmamalaki ng kanyang mga kaibigan. Down-to-earth pa rin daw si Igan kahit isa na siya sa mga respected broadcast journalist.
- Latest