Bench lay low muna sa fashion show!
Ibang klase at mas simple ang fashion show ng Kashieca at Human, na parehong sister companies din ng Bench, ang isinagawa para sa Philippine Fashion Week. Sa kabila ng malakas na ulan, napuno pa rin nila ang venue.
Pero napansin namin, this time ang mga kilalang celebrities ay nanood lamang ng show, hindi sila rumampa. Sa halip ang naroroon ay mga professional models. Wala iyong karaniwan sa shows nila na may mga artistang modelo. Pero mula sa audience ay nakita naming nanood ang Teng brothers na sina Jeron at Jeric, ang modelong si John Spainhour, Raymond Gutierrez, at iba pang mga baguhang celebrities na walang dudang umaasa ring maging endorsers ng Bench o alin man sa kanilang mga kumpanya ng kasuotan.
This time, sa halip na mga artista, ang talagang gusto nilang mabigyan ng pansin ay ang mga kasuotan na siya naman talagang dapat na pansinin. Iyon bale ang magkahalong spring at summer collection ng Human at Kashieca.
Naisip nga namin pagkatapos, puwede naman pala ang fashion show na ganoon lang kasimple. Noong araw naman talagang ganyan lang ang mga fashion shows. Nito na lang namang lately nauso iyong mga artista mismo ang kinukuhang modelo. Masasabi nga nating ang Bench din naman ang nag-umpisa niyan nang kunin nila si Richard Gomez. Later on kailangang mas marami nang artista, at nang malaunan kailangan na ang mga international stars, kaya nakarating dito sa atin maging iyong Koreanong ni Lee Min-ho at ang Hollywood star na si Taylor Lautner. Pero sa fashion show na iyan na aming napanood, naibalik din naman nila iyong traditional fashion show na ang mas binibigyang pansin ay ang mga damit at hindi ang mga modelo. Parang mas maganda pa.
May nagsasabing baka naman daw nagpahinga lamang nang kaunti ang Bench, dahil masyadong napakalaki nga at napaka-kontrobersiyal ng kanilang ginawang denim and underwear show kamakailan lamang, na itinuturing ngang pinakamalaking fashion event. Dahil ano ba namang fashion show ang isinasagawa sa mga ganoon kalalaking venues at dinarayo ng mga tao.
Anyway, nag-enjoy naman kami sa mas simple nilang fashion show.
Away ng mag-inang Annabelle at Ruffa sa social media hindi na magandang halimbawa
Nakalulungkot iyong may nababalitaan kang alitan sa isang pamilya, at nakalulungkot na pati na ang kanilang pagsasagutan at pagpapalitan ng salita ay lumalabas pa sa publiko dahil nga sa social media. Ang tinutukoy namin ay ang sinasabing pagkakagalit at pagpapalitan ng maanghang na mga salita ng mag-inang sina Annabelle Rama at Ruffa Gutierrez.
Eh nagkaroon pa nga ng ruling ang Supreme Court kamakailan lang, na ang anumang i-post mo sa social media ay nangangahulugang pinahihintulutan mo na iyon ay pag-usapan ng publiko. Nawawala ang karapatan mo “to invoke privacy” basta inilabas mo na sa social media.
Talagang mapag-uusapan nga ang mga ganyang problema.
Maaaring sila ay makapag-usap nang ganoon in private, pero ang lumabas iyon sa publiko ay hindi maganda.
Hindi talaga tama ang kanilang ginagawa. Problema nila iyan, sana ay ayusin na lang nila sa kanilang tahanan.
- Latest