Tulad ng pag-award ni P-Noy ng National Artist, Kuya Germs may karapatang mamili nang bibigyan ng award sa Famas
Nakita namin iyong bibigyan ni Kuya Germs ng German Moreno Youth Achievement Award sa darating na FAMAS. Iyang award na iyan, nagsimula iyan noong panahon ng That’s Entertainment. Binibigyan niya ng pagkilala ang mga members ng kanyang afternoon show na nagkaroon na ng accomplishments sa industriya.
Noong mga panahong iyon, talagang iba ang dating niyang youth achievement award ni Kuya Germs. Siya mismo ang namimili ng bibigyan ng award, hindi ang FAMAS. Hindi kagaya noong ibang sponsored awards na ang FAMAS din ang namimili ng winners. Sa kaso noong awards ni Kuya Germs, sinasabihan lang siya kung kailan ang FAMAS at siya mismo ang namimili ng mga mananalo, kaya alam natin na kung sino man ang bigyan niya ng parangal, choice niya iyon.
Ang pamimili niyan ay para rin iyong National Artist eh. May mga nagbibigay sa kanya ng suggestions, pero in the end “prerogative” niya kung sino ang bibigyan niya ng award. Kaya wala tayong K na magtanong kung ano ang criteria niya. Walang may pakialam kung sino ang bibigyan niya ng award. “Prerogative” nga niya iyan eh. Kagaya rin naman noong kanyang Walk of Fame, “prerogative” niya kung sino ang gusto niyang ilagay doon. Kaya kita ninyo, kahit na mga foreigner na, kung sa palagay niya dapat malagay doon, ok lang iyon. Kanya iyon eh. Kaya nga may nagtatanong din, bakit kaya kinukuwestiyon ni Kuya Germs ang “prerogative” ni P-Noy doon sa National Artist nang ilaglag noon si Nora Aunor.
Anyway, may nagsabi na naman sa amin, mayroon daw bibigyan ng German Moreno Youth Achievement Award na ni hindi nila kilala. Walang name. Eh hindi naman iyong name ang batayan doon. Hindi naman kung kilala nila o hindi ang mabibigyan ng award.
Pero sabi ko nga, kung sino ang gusto niyang manalo, walang makaka-kuwestiyon. Iyon ang ibig sabihin noong mayroon siyang “prerogative”.
Kagaya rin naman ng FAMAS, o ng iba pang award-giving body. Kung minsan sinasabing ang mga pinapanalo nila ay walang karapatang manalo, pero may karapatan nga sila.
Halimbawa iyong PMPC, palagay nila best actor si Vice Ganda. Kung ano man ang naging “considerations” at napili nila si Vice Ganda, “prerogative” nila iyon at walang makakakuwestiyon. Kaya nga kung minsan nagtataka kami kung bakit iyang ibang nagbibigay ng awards na kagaya niyan ay kinukuwestiyon ang prerogative ng presidente na ilaglag si Nora Aunor, o ang naging hatol ng ibang award giving bodies eh.
Seryeng Niño dapat madagdagan
Noong nagsimba kami noong Linggo, talagang inendorso ng paring si Rev. Fr. Soc Montealto, SSP, iyong teleseryeng Niño. Kasi raw, ipinakikita sa nasabing serye ang “divine intervention”, meaning ang patuloy na paggabay at pagtulong ng Diyos sa atin sa ano mang paraan.
Actually isa rin iyon sa mga dahilan kung bakit namin pinanonood ang seryeng iyan. Napipilitan tuloy kaming magdala ng pocket TV para hindi namin ma-miss ang serye kung lumalabas man kami ng bahay. Iyang mga ganyang klaseng serye na nagpapakita ng mahusay na moral values, iyan ang dapat na pinanonood ng mga tao, hindi iyong kung anu-anong kalandian at kalaswaan lamang.
Hindi nga rin namin maintindihan kung bakit pinapayagan ngayon sa telebisyon ang mga seryeng hindi nagtuturo ng mahusay na moral values. Hindi lang mga Kristiyano eh, maski na mga Muslim hindi naman pabor sa mga kahalayan at kawalan ng moralidad na nakikita sa ibang serye. Kasalanan din iyan ng mga nagpapalusot ng mga ganyang panoorin.
- Latest
- Trending