Bida sa Divergent nakiki-level na kina Kristen Stewart at Jennifer Lawrence
May bagong heroine pagkatapos nina Kristen Stewart (Twilight Saga) at Jennifer Lawrence (Hunger Games) — si Shailene Woodley. Siya na ngayon ang bagong idolo ng mga kabataang babae dahil sa hit na nobela na isinapelikula, ang Divergent.
Pero mas malapit ang kuwento at mga katangian ng bidang si Tris (Shailene) ng Divergent sa karakter ni Katniss (Jennifer) sa Hunger Games. Pati nga pigura ay halos magkahawig sila. Kaya hindi maiiwasan na ang dalawang pelikula ang pagkumparahin pagkatapos panoorin ang Divergent na hango sa unang nobela noong 2011 ni Veronica Roth. Trilogy din ang balak gawin sa young adult sci-fil film kaya may kasunod pa sa mangyayari sa buhay ni Tris.
Sa maiksing buod ng pelikula na lagpas ng dalawang oras dahil sa mahahabang action scenes, lumalabas lang na pag-asa ng lahat si Tris. Nahahati na ang kanilang siyudad, matapos ang giyera, sa limang factions: Dauntless, para sa matatapang; Erudite, ang sa matatalino, Abnegation, ang mga nagsasakripisyo para sa iba; Amity, ang laging masasaya at mapayapa: at ang Candor na pawang matatapat.
Galing si Tris sa grupong Abnegation pero pinili niyang sumali sa Dauntless pagsapit ng 16 years old dahil sa tingin niya ay ito ang pinaka-astig at maporma. Sa tingin din niya ay hindi siya kasing matulungin o kasing selfless ng ibang nasa grupo. Pero ’yun pala kahit saang faction ay hindi siya puwede dahil lumabas sa test result niya na isa siyang “divergent.†Ang ibig sabihin ay may kakaiba siyang pag-iisip at damdamin, non-conformist siya at hindi madaling ma-brainwashed, kaya delikado ang mga tulad niya. Tinatapon sila sa factionless (mga pulubi sa kanilang siyudad). O pinapatay na lang.
At iyon ang conflict sa istorya. Threat si Tris sa grupo ng Erudite na pinamumunuan ng kontrabidang si Jeanine (Kate Winslet) na selfish naman sa kapangyarihan at gustong ubusin na lahat ng nasa Abnegation.
May ilang gulat scenes at maganda ang pagsasanay ng bida sa kamay ng mga Dauntless instructors na sina Four (Theo James) at Eric (Jai Courtney) pero makukulangan ang moviegoer sa puso o drama kumpara sa hirap at pagiging abang-aba ni Katniss sa Hunger Games.
Kahit ang iba pang nasa cast bilang magulang, kaibigan, at kaaway ni Tris ay walang lumutang na extraordinary pero maayos na ring naitawid ng direktor na si Neil Burger ang movie adaptation. Mananabik pa rin kasi ang manonood sa sequel ng Divergent.
***
May ipare-rebyu? E-mail: [email protected]
- Latest