Gretchen laging pinapaboran ang mga kaaway ni Claudine?!

Para bang isang nakaka-shock na balita iyong si Gretchen Barretto ang nagbigay ng P60,000 piyansa para makalaya si Dessa Patillan, ang dating alalay ng kanyang kapatid na si Claudine Barretto sa pagkakakulong matapos pagbinta­ngan iyon ng dating amo na nagnakaw. Ngayon inaamin na rin ng abugado ni Patillan na si Atty. Alma Mallonga na si Gretchen ang tumawag sa kanyang pansin tungkol sa kaso ni Patillan at nagtanong kung maaari niyang big­yan iyon ng tulong pro bono.

Ipinaliwanag naman ni Mallonga na ang ibinigay ni Gretchen ay piyansa lamang, ibig sabihin, basta hindi lang tatakasan ni Patillan ang kaso, maisasauli naman iyon sa kanya. Pero tiyak na isang malaking issue na naman iyan ng iba at sasabihing talagang kinakalaban lang ni Gretchen ang nakababata niyang kapatid.

Kung natatandaan ninyo, matapos na makausap ng kanyang abugado, nagsampa rin ng kaso si Patillan sa dati niyang among si Claudine, dahil pinagbintangan rin niya iyon na kinuha ang kanyang pera na sampung libong mahigit na naipon niya mula sa kanyang suweldo, isang tablet na nagkakahalaga ng tatlong libo, at pati sim card ng cellphone na nagkakahalaga ng 50 pesos. Ang bintang ni Claudine ay nagnakaw iyon ng pera at mga alahas na nagkakahalaga ng kung ilang milyong piso.

Noon pa issue iyang kay Dessa Patillan na tinutulungan daw ni Gretchen. Pero hindi kaya ang naisip ni Gretchen ay ituwid lang hanggang sa kanyang makakaya kung ano man ang pagkakamali ni Claudine? Hindi natin dapat pangunahan ang husgado, pero marami ang nagsasabi na walang kakayahan si Patillan na nakawin ang ganoon kalaking halaga, dahil hindi niya alam iyon.

Ikalawa, kung nakapagnakaw si Patillan ng ganoon kalaking halaga, magtitiis kaya siya ng sampung buwan sa city jail ng Marikina at magtatangka pang mag-suicide dahil sa kawalan ng pag-asa, kung may nanakaw naman siya na magagamit niya sa piyansa?

Sana naman hindi iyan maging simula ng panibagong word war ng mga Barretto.

Palagay namin walang masamang intensiyon si Gretchen sa kanyang ginawa. Nadala lang si­guro siya ng awa sa dating alalay ng kapatid.

 

Shalala ayaw noong mag-on cam

Sa lahat ng discovery ni Kuya Germs, mukhang si Shalala ang talagang naging ma­tagumpay. Isipin ninyo, bida na siya ngayon sa isang pelikula. Kahit na indie lang iyon eh, pero bida siya. Hindi lang umasa si Shalala kay Kuya Germs, nagsikap din siya on his own. Iyang si Shalala, masasabi ring “disco­very” ni Mina Aragon, dahil siya talaga ang nagbigay sa kanya ng trabaho para makilala sa showbusiness. Galing sa ad and promo department ng Viva si Shalala noong araw.

Pero walang ambisyong mag-artista      iyan. Natatandaan pa namin noong araw nang nag-away sila ni Kuya Germs, dahil pinipilit ng master showman na mag-“on cam” na siya sa telebisyon. Ayaw ni Shalala. Ok lang sa kanya na naririnig ang boses niya sa radio o maski sa TV pero ayaw niyang magpakita on cam

Pero pinilit siya ni Kuya Germs. Sumikat naman siya, at nakilala na bilang isang kumedyante rin.

Hindi mo masasabi talaga ang kapalaran ng mga tao.

Isa pang naging matagumpay na discovery ni Kuya Germs ay si Isko Moreno, na sumikat din bilang isang actor at ngayon ay vice mayor pa ng Maynila.

Huwag na nating banggitin pa iyong ibang sumikat sa kanyang programa, sasabihin pa nila sa iba sila sumikat nang husto. Doon na lang tayo na masasabi nating ang talagang pinagmulan lang ay si Kuya Germs.

Pero sa totoo lang ha, sikat na si Shalala.

Show comments