BGC may pa-fiesta sa birthday ni Gat Andres
Ang galing ng ginawang konsepto ng Bonifacio Global City o BGC (Taguig City) para makisabay sa pagdiriwang ng ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio. Magbibigay pugay ang pamunuan ng isa sa mga pangunahing pasyalan sa ating bayani sa loob ng tatlong araw -- mula Nov. 29 hanggang sa Dec. 1 -- na tinawag nilang BGC Passionfest 2013.
Ayon sa organizer sa ginanap na maiksing luncheon sa Lorenzo’s Way sa C2 ng BGC, bawat araw ay punumpuno ng maraming activities para sa mall shoppers na espesyal at pinagplanuhan talaga. Ang BGC Passionfest ay isang selebrasyon na may “historical twist†at isang malaking modern fiesta na sagana sa musika, sining, pagkain, kulturang Pinoy, at sayawan.
Sa Nov. 29 ay may handog agad ang Gantimpala Theater Foundation, ang pagtatanghal nila ng Katipunan (Mga Anak ng Bayan) sa Bonifacio High Street Central Ampitheater. Abangan din ang tinatawag na Supremo Sale sa iba’t ibang tindahang nakapaligid.
Pagdating ng mismong araw ng kapanganakan ni Gat Andres, Nov. 30, ay magsisimula agad ng 7 a.m. ang wreath-laying ceremonies. Sa hapon ay may tinatawag silang Science sa Plaza na gaganapin sa Mind Museum ng 1-5 p.m. Isa rin sa dapat abangan ay ang nakakaaliw na Run BGC 2013: TakBonifacio dahil makikipaghabulan ang mga Katipunero (runners) at iistorbohin ng mga Guardia Sibil (coordinators) para mas may thrill at kasiyahan sa pagtakbo simula alas-tres ng hapon.
Meron ding Boni-Fiesta, tipong barrio fiesta na may palaro, kainan, at art activities; Bisita Kusina, ang pagsasama-sama ng mga food entrepreneur sa mga food stall; at 150 Artists for 150 Years na may 150 artists na magla-live painting sa tema ng passion at ideals ni Bonifacio.
Hindi lang ‘yun, may rakrakan din pagsapit ng gabi dahil sa Rock Supremo concert, sa pakikipagtulungan ng RockEd. Ang mga tema rin ng kakantahin ng mga banda ay tungkol sa buhay at pakikipaglaban ng kinilalang Supremo ng mga Katipunero. May album ding ipinamigay sa presscon na nakapaloob ang maraming banda tulad ng Radioactive Sago Project, Sandwich, Tarsius, Pedicab, Peso Movement, atbp.
Sayang at dahil maliit ang restaurant na Lorenzo’s Way ay hindi posibleng maglagay ng full band para mag-sampol sana ng kanta. Si Ebe Dancel lang ang tumugtog saglit pero umalis din agad. Kasama niyang tutugtog sa Rock Supremo sina Rico Blanco, Gloc-9, Kai Honasan, Dong Abay, at siyempre pati ang mga bandang nabanggit sa itaas.
Kinabukasan, Dec. 1, isang makulay na Parada de Kalesa ang makikita sa 7th, 9th, 11th, 28th, at 30th Streets ng BGC bandang alas-tres ng hapon.
Pagdating naman ng alas-sais ng gabi ay ang stage play ng Tanghalang Pilipino, ang Sandosenang Sapatos, na gaganapin uli sa Central Ampitheater. Abangan din ang Kislap at Kutitap Concert, 7:30 p.m., na ang tutugtog ay PhilHarmonic Orchestra at ang kakanta ay Philippine Madrigal Singers. Ito na rin ang magsisilbing hudyat sa pagwe-welcome ng BGC sa Pasko dahil ilo-launch na rin ang Symphony of Lights, ang magiging taunang Christmas decorations competition para sa lahat ng construction groups at mga naglalakihang building sa loob ng premyadong lugar.
O hindi ba napakaganda ng ideyang BGC Passionfest 2013? Ang daming puwedeng gawin sa loob ng tatlong araw na hindi na kailangang lumayo dahil nasa iisang lugar lang lahat. Kung puwede lang sa BGC na tumira!
***
May ipare-rebyu? E-mail: [email protected]
- Latest