^

Pang Movies

Ben at Justin tagumpay sa online poker gambling

REBYUWER KIBITZER - Jhi D. Gopez - Pang-masa

Malaking industriya na pala talaga ang online poker gambling dahil marami na ang nababaliw sa katataya sa ganitong uri ng laro. May legal at merong hindi. Siyempre mas exciting ‘yung nasa underworld o ilegal at iyon ang halimbawa na ipinakita sa pelikulang Runner Runner na nag-premiere night noong Miyerkules sa Glorietta 4 sa Makati City.

Higit sa istorya, na aakalaing boring sa umpisa, ang talagang angat dito ay ang pagganap ni Ben Affleck bilang debonair na kontrabida at ni Justin Timberlake bilang matalino pero biktima ng pandaraya dahil iligal ang kumpanyang Midnight Black ang tinayaan niya.

Si Richie Furst (Justin) ay nag-aaral ng masteral sa Princeton University matapos maunsyami ang career nang bumagsak ang Wall Street taong 2008. Matalino siya, magaling sa math, at pag-asa niya sanang muli ang masters degree kung makakatapos. Ang kaso, kinakapos na siya ng tuition fee at ang napagbalingan ay ang online poker, siguro dahil sugarol din ang kanyang ama. Kumukumbinsi siya ng mga manlalaro sa university para tumaya rin dahil parang multi-level marketing din ang sistema ng sugal.

Nang matuklasan ng dean at nag-warning sa kanya na sisipain siya kung hindi titigil, lalong itinodo ni Richie ang taya, mga $17K, dahil confident naman siya na kaya niya. Pero natalo siya. At ang natuklasan pa niya, nadaya siya sa laro. Hindi naging patas ang Midnight Black.

Ang sumunod na eksena ay magkaharap na sila ng cyberspace game boss na si Ivan Block (Ben) sa Costa Rica dahil doon naka-base ang kanyang negosyo at tirahan. Kinompronta niya na dinaya siya at ang depensa naman ni Ivan ay may nagkamali sa programmer nila. Kung sa totoong buhay ay mahirap yata ‘yung sitwasyon pero sa pelikula ay tanggap na tanggap ang guts ni Richie dahil bagay nga sa kanya ang karakter.

Ang kapalit ng pagsugod niya ay job offer na ni Ivan. Tatanggi pa ba siya eh linya na niya ang pagsusugal at kahit hindi na siya bumalik sa masteral ay sobra-sobra na ang kikitain niya? Seven figures nga agad ang unang alok! At binigyan pa siya ng tsansa na dalhin ang mga kaibigan niya sa Princeton bilang team niya sa trabaho.

Ang sumatutal, kahit nasilaw pa si Richie sa pera at mala-paraisong bansa, kalaunan ay madidiskubre rin niya na isang malaking krimen ang ginagawa ni Ivan at wanted na pala ito sa US. Kulang lang sa ebidensiya at doon siya makakatulong sa FBI agent na si Shavers (Anthony Mackie). Kung sa pera siya natukso ay pera rin ang ginamit niya sa ibang corrupt na opisyal ng Costa Rica para makakawala kay Ivan bago pa siya ang makasuhan.

Ang dagdag conflict dito ay nakakuntsaba niya ang “babe cum personal assistant” ni Richie na si Rebecca (Gemma Arterton). May mutual attraction na kasi sila. At siguro nakokonsensiya na rin si Rebecca sa trabaho nila sa Midnight Black.

Matapos dumanas ng hirap and edukadong si Richie ay matatamo rin niya ang fair justice. Mahuhuli na si Ivan ni Agent Shavers. May bonus pa, sila ni Rebecca ang magsasama!

Pagkatapos ng pelikula, mapapaisip ang manonood kung ano na ang gagawin ni Richie? Balik-Princeton grad student kaya siya o gagawa ng sarili niyang online empire? Sana natuto na siya sa naging experience.

*  *   *

May ipare-rebyu? E-mail: [email protected]

AGENT SHAVERS

ANTHONY MACKIE

BEN AFFLECK

COSTA RICA

IVAN

MIDNIGHT BLACK

NIYA

REBECCA

RICHIE

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with