Cherie Gil maraming pinaiyak!
Meron ba sa inyo na hindi nakapanood kahit isang pelikula man lang sa Sineng Pambansa: All Masters Edition? Isang malaking sayang kung oo ang sagot. Binuo ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang proyektong ito na sinimulan noong nakaraang taon at hindi sila nabigo sa pagpili ng 12 directors na ang mga obra ay naipalabas sa loob ng isang linggo sa lahat ng mga sinehan ng SM malls. Buung-buo at maayos ang bawat pelikula na ang tiket ay nagkakahalaga lamang ng isang daang piso. Tinalo pa ang presyo ng Cinemalaya entries!
Ako, masayang-masaya na ako sa dalawang pelikulang naabot kong panoorin. Sa kani-kanilang probinsiya ng nagkataon pa na parehong regional films kung tutuusin dahil ang mga bidang lugar ay malalayong probinsiya, sa Visayas, kaya nakanti na naman ang pagka-Pilipino ko dahil sa lokal na kultura na nakita. Ang ganda talaga ng Pilipinas!
Ang una ay ang Bamboo Flowers ni Direk Maryo J. Delos Reyes na sa Bohol kinunan at ang pangalawa ay ang Sonata ng tandem nina Direk Peque Gallaga at Direk Lore Reyes na sa Bacolod naman ginawa.
Hindi naman nakakahiyang sabihin na nakapag-emote ang inyong kibitzer sa dalawang nabanggit na indie films. Ganun naman talaga kasi ang reaksiyon ng mga nakapanood. Alam n’yo ba na kahit kokonti na lang ang mga tao sa last full show ay walang hindi pumalakpak pagkatapos ng magkaibang palabas? Nakaka-proud na appreciated na ng ordinaryong moviegoers ang independent films na akala mo’y nanonood sila sa teatro ng Cultural Center of the Philippines.
Sana ay may nakasaksi rin sa mga bumuo ng pelikula at nang tila nahagod na rin ang kanilang likod. Sulit na ang kanilang pagod.
Balik sa dalawang pelikula, touching ang istorya ng buhay nina Max Collins, Orlando Sol, at Ruru Madrid sa Bamboo Flowers. Walang pag-iiinarte o pretension. Naisalamin talaga ang buhay-probinsiya o buhay ng isang promdi. Ang ganda rin ng contrast ng dalawang batang sina Miggs Cuaderno at Yogo Singh.
Pero kung paramihan ng nagpapatak ng luha, lamang ang Sonata dahil sa dalawang karakter na ginampanan nina Cherie Gil at Chino Jalandoni. Baliktad ito, ang inosenteng musmos ang nakatulong sa matanda na wasak na wasak na.
Ang linaw ng pelikula — ng kuwento at mga kulay na buhay na buhay. Sabi nga sa makatang tula, kahit ang mga bituin ay nangusap.
Ang galing pa ng pagkakagamit sa sariling dialect na Hiligaynon, ’yung salita ng mga nasa Bacolod at Negros Occidental na ginampanan ng local Bacolod actors tulad nina Chino at Joshua Pineda.
At siyempre pa ay perfect si Madame Cherie sa kanyang diva role.
Umaasa ang mga nakapanood na sana ay lumawak pang lalo at tangkilikin ang Sineng Pambansa kung itutuloy pa rin ito sa isang taon.
- Latest