British boyband na Blake patok na patok sa ‘revival’ ng kantang Manila
Music videos ang usapan natin ngayon sa corner na ito. Ang dalawa ay mula sa Pinoy bands na The Youth at Grin Department. Ang isa ay ang nakunang video na nagko-cover ang British group na Blake sa kantang Manila ng Hotdog. At ang huli ay mula naman sa American Christian rock band na Leeland.
Matagal-tagal na kasing nagpasabi ang The Youth na labas na ang kanilang digital album, pinamagatang Pirata, na ang first single ay ang Laruan. At medyo matagal na rin silang nagpakalat ng imbitasyon na panoorin ang music video ng kanilang single sa Tower Sessions sa YouTube pero kailan ko lang ito natiyempuhan. Ang ganda pala! Walang kupas ang galing ng The Youth kahit sabihin pang lumamlam na ang kanilang comeback. Pero sa totoo lang kasi ay nawala na halos lahat ng magagaling na banda ng dekada 90 at pakonti nang pakonti ang mga naglo-launch ng album sa disc copy, lumang banda man o bago.
Kahit sinong manood sa Laruan video ay magpi-feeling nostalgic. Balik-tanaw kasi ang kuwento ng kanta, mula raw sa mga luma at simpleng laruan natin nung bata pa tayo ay gadgets na ngayon ang binubutingting ng mga bata at pati na ng mga tumatanda. Medyo mahaba ang malumanay na kanta, lumagpas sa limang minuto.
Maalala tuloy ang kantang Kanlungan ni Noel Cabangon. Childhood memories kasi ang tinutumbok ng Laruan pero mas may angas siyempre ang kaskasan ng gitara ng The Youth kumpara sa napaka-mellow at acoustic na gitara ni Mang Noel.
Ang bagong kanta naman ng Grin Department ay lumabas pagkatapos iwan ng bokalistang si Bong Pascasio ang banda nang pumanaw ito nung isang taon at ang humalili na ay si Andrew “Jumong†B. Si Andrew na dating bahista nila ay chief songwriter na ngayon at bokalista ng banda. Nakakaaliw ang sinulat niyang kanta na Fake. Audio lang na may lyrics ang mapapanood sa YouTube pero maaaliw kayo sa mabababasang lyrics — pang-aasar ito sa mga taong peke o plastic. Madaling mag-sing-along sa kanilang kanta.
Siyempre ang catch dito, lumabas na naman ang pagka-pilyo ng Grin Department dahil kapag inulit-ulit ang chorus na naglalaman ng mga titik na, “Ang fake mo. Ang fake, fake mo,†ay malisyoso na ang tunog. Dun sila magaling eh. At ‘yun ang tatak Grin Dep.
Medyo nakakalito lang dahil may libre silang ringback tune na puwedeng makuha sa mga teleÂcommunication company (puwera lang daw sa Sun Cellular) pero ang title ay Peke at hindi Fake. Para kaya mas masa?
Ayon kay Andrew, wala pang opisyal na music video ang Fake song at wala pa silang nabubuong album.
Kamakailan lang ay inaliw naman tayo ng boyband na Blake sa The Filipino Channel event sa London, England. Kumakalat na ang live performance nila sa mga nai-share na videos sa social media na kumakanta ng Manila. Mukha namang damang-dama nila ang Tagalog lyrics habang kumakanta ang grupo sa stage. Pumuntos sila sa mga Pinoy ha!
Ang huling kuwento ay ang tungkol sa Leeland. At ito ay dahil sa homily ni Fr. Michael Park sa Malate Catholic Church nung Linggo. Ginamit niya kasing aid o tulong pagkatapos ng sermon ang iprinisinta niyang audio-visual video ng kantang Follow You ng Leeland. Lyrics lang ang makikita na inayos ang design. Simple pero matatandaan ng mga nagsimba.
Ang sabi ng isang minister, ang Koreanong pari mismo ang nagri-research ng kanyang mga ginagamit na video kapag nagmi-misa.
Dahil doon ay naki-research na rin ako kung sino ba ang kumanta ng Follow You at ‘yun nga, Leeland ang lumabas. American Christian rock band sila mula sa Texas na Grammy-nominated na. Pero kahit hindi Katoliko, hindi naging hadlang o diskriminasyon iyon para hindi magamit o maikalat ang talento sa musika ng Leeland.
Ang magandang mensahe ng kanilang kanta ang ginamit ng pari para maipaabot sa mga nagsisimba sa kanyang parokya ang pinaka-importante. Makabalik nga sa Linggo at baka may iba namang artist na i-present sa misa.
***
May ipare-rebyu? E-mail:
- Latest