Price tag bentang-benta sa anti-pork!
Sino ang mag-aakala na hindi sa isang aktibista kundi sa isang musikero magsisimula ang Million People March nung Lunes? Kung sabagay, kahit nga ang mismong nagsimula ng anti-pork barrel campaign sa social media na si Ito Rapadas ay hindi makapaniwala sa naging pagtugon ng mga ordinaryong mamamayan sa kanyang panawagan.
Wala ring mag-aakala siguro na ang isang mahinahong katulad ni Ito, na love songs ang mga kinakanta nung bokalista pa siya ng Neocolors, ay magsasaboses ng kanyang hinaing para sa kapakanan ng masa.
Dahil sa makulimlim at panaka-nakang pag-ulan ay hindi masasabing isang milyong katao ang sumugod sa Rizal Park sa Maynila pero dahil holiday at napakaganda ng pagkakataon, National Heroes Day, ay ilang milyon na rin ang naging katumbas ng martsa. Malawak kasi ang naging awareness na umabot sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas hanggang Middle East, United Kingdom, Europa, Amerika, at Asya.
Dahil musikero nga si Ito ay may ilan ding musikero ang nakiisa sa Million People March. Hindi nga lang masasabi na kasing dami sila ng mga artista. Siguro kung personal na nagtawag si Ito sa mga kapwa niya nasa music scene ay baka nagkaroon pa ng libreng impromptu concert.
Pero nagkaroon pa rin naman ng mga tugtugan sa tabi-tabi ng Luneta at mismong sa stage rin. Ang isang grupo ay gumamit ng bamboo instruments, tugtog lang at walang kanta. Sinasabing nung unang panahon ay isa itong ritwal na pangtaboy sa masasamang espiritu.
Si Jograd dela Torre na mas kilalang personalidad sa larangan ng comedy kesa singer ang siyang umokupa sa taas at baba ng stage para maiparinig ang kanyang sinulat na awitin, ang Kawatan, na cover song niya sa kantang Price Tag ni Jessie J.
Bentang-benta ang Tagalog version na iniba na ang lyrics. Ito na nga yata ang naging theme song ng mga ayaw sa pork barrel. Bukod kasi kay Jograd na kumanta nito ay may isa pang grupo sa isang proÂbinsiya na kinanta’t isinayaw din ang Price Tag. Ito rin ang naging background music ng mga news program na nag-cover ng Million People March.
Si Budoy Marabiles aka Junior Kilat ay nagpaunlak naman ng kanta sa Cebu rally. Hindi lang mga maliliit na konsiyerto ang naganap sa kilos protesta nung Aug. 26 dahil meron ding mini-cultural shows. Dumayo rin kasi ang iba’t ibang katutubo natin na naghandog ng mga tradisyonal na sayaw sa paligid-ligid.
Sa huli, ang pinakamagandang mensahe pa rin ay ang patungkol sa ating obligasyon hindi lang sa tao kundi lalo na sa Diyos. Nakapaloob ito sa maiksing kinanta ni Cardinal Luis Antonio Tagle na Pananagutan.
Lady Gaga naka-recover na matapos operahan sa balakang
Nagbalik na si Lady Gaga sa pagpe-perform matapos ang pagpapahinga dahil sa hip surgery. Kumanta’t nagsayaw siya para sa MTV Video Music Awards kamakailan. Pagpo-promote na rin iyon ng kanyang bagong single na Applause. Naka-apat na palit pa ng damit ang pop singer. Mukhang okay na okay na nga ang balakang ni Lady Gaga dahil ipinakita pa niya ang kanyang butt cheeks.
Pero tinalbugan naman siya ng closing number ni Katy Perry na Roar dahil sa outdoor performance ito — sa ilalim ng tanyag na Brooklyn Bridge sa New York, USA. Hindi lang ‘yun, maganda pa at pinag-isipan talaga ang concept dahil nasa boxing ring si Katy at may mga kasamang nag-sparring sa background.
* * *
May ipare-rebyu? E-mail: [email protected]
- Latest